COLUMN | Ang bulag na sistema ng edukasyon
Ni Kenjie-Aya Oyong
Nakasaad sa Department of Education (DepEd) Mission ang “to protect and promote the right of every Filipino to quality equitable, culture-based and complete basic education.” Pero mukhang mission failed sila ngayon.
Cartoon by Alexia Macatuno |
Layon ng programang Special Education Program (SPED) na mabigyan ng de-kalidad na edukasyon ang libo-libong mag-aaral na may kapansanan at espesyal na pangangailangan. Ngunit para sa taong 2023, walang budget na nakalaan para sa mga programa ng Special Education Program (SPED).
Binasura kasi sa 2023 National Expenditure Program (NEP) ang panukala ng DepEd na 532 milyong pisong budget para sa SPED. Napabayaan na nila ang kapakanan ng mga estudyanteng may kapansanan, at bunga ito ng hindi maayos na prayoridad ng kagawaran.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), nabigo ang DepEd na suportahan ng mga sapat na dokumento ang panukalang budget para sa SPED. Kataka-taka ang naging dahilan ng DBM samantalang nagawa nilang aprubahan ang 150 milyong pisong kumpidensiyal na pondo ng DepEd kahit na limitado lang ang nakakaalam sa patutunguhan nito, at hindi nasisiguro ng karamihan na magagamit ito sa tama. ‘Di hamak na mas malinaw ang layunin at patutunguhan ng budget para sa SPED kumpara sa kumpidensiyal na pondo.
Depensa ni Bise Presidente at kalihim ng edukasyon Sara Duterte-Carpio, nakalaan sa seguridad ng mga mag-aaral ang kumpidensiyal na budget. Bagaman dapat lang na pagtuunan ng pansin ang seguridad ng mga nasa sektor ng edukasyon, hindi dapat ito ang pinakatinututukan ng kagawaran. May ibang kagawaran na maaring mag-asikaso ng ganitong mga isyu. Hindi kailangang magbigay ang DepEd ng isang daang porsyentong atensiyon hinggil dito. Dahil ang pinakalayunin nila ay mabigyan ang bawat Pilipino ng isang de-kalidad na edukasyon.
Saad ng DepEd, paulit-ulit nang nagaganap ang ganitong pangyayari taon-taon, at nakakagawa naman sila ng paraan upang mapondohan ang mga programa nito. Pero kung paulit-ulit nababasura ang panukalang pondo ng DepEd para sa nasabing programa taon-taon, malamang, mayroong mali. Sa kung anumang dahilan ay may hindi nadadala sa ganitong sirkumstansiya kaya hanggang ngayon ay patuloy pa rin itong nagaganap. Kung nasa mismong kagawaran ang problema, mas mainam na masolusyunan kaagad ito. Dahil kung hindi, hindi lang ang kagawaran ang magdurusa, pati na ang mga milyon-milyong estudyanteng Pilipino.
Alinsunod sa Seksyon 14 ng 1987 Konstitusyon, dapat na mabigyan ng akses sa edukasyon ang lahat ng Pilipino, kabilang na ang mga may kapansanan. Malaki ang tulong ng SPED upang maipakita ang angking talento ng mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan. Kaya’t nakalulungkot na walang pondong nakaalaan para sa kanila.
Ngayong naibasura na ang panukalang budget ng SPED, gumagawa na ng paraan ang kagawaran at kongreso upang ma-reallocate ang mga pondong hindi nagamit mula sa ibang programa ng DepEd patungo sa SPED. Bagaman mabisa ito bilang agarang solusyon, posibleng may ibang mga programa na mokokompromiso sa katagalan. Tulad na lang ng panukalang gamitin rin para sa SPED ang budget ng DepEd MOOE (School Maintenance and Other Operating Expenses). Mahalaga kasi na magkaroon ng sariling budget ang SPED, sang-ayon na rin sa Inclusive Education Act, upang mabigyang-diin na natutugunan ang pangangailangan ng mga may kapansanan lalo na sa kanilang edukasyon.
Dagdag pa rito, hindi pwedeng sa lahat ng pagkakataon ay ito na lang ang magiging sistema. Ang pagre-reallocate ng mga pondo ay isa lamang pansamantalang solusyon sa isang pangmatagalang problema. Para silang naglagay ng band-aid sa bitak ng lupang malapit nang gumuho.
Hindi hiwalay ang problemang ito. Sanga ito ng mas malaki pang mga problema na siguradong hindi matutugunan ng isang simple at pansamantalang aksyon. Nitong mga nagdaang buwan ay samu’t saring gusot na ang kinahaharap ng DepEd. Mula sa mga overpriced na mga laptop, posibleng panunumbalik ng ROTC, at ang katotohanang may learning poverty sa Pilipinas kung saan 90% ng kabataang Pilipino edad 10 ang hindi kayang bumasa at umintindi ng simpleng teksto. Hindi lang ito ang mga isyung kahaharapin ng DepEd kaya dapat lang na malaman nila kung ano talaga ang mga bagay na dapat nilang pagtuunan ng pansin.
Napipilayan na ang mga estudyante at guro. Lalong nalulumpo ang mga estudyanteng may espesyal na pangangailangan. At kung mabigo ang DepEd na maituwid ang kanilang prayoridad, at mabigyan ng angkop na aksyon ang mga isyung tulad nito, tuluyang mangangapa sa dilim ang sistema ng edukasyon.