Ni Manuel Arthur Machete

Agarang bumalik ang hari’t reyna ng liga upang bawiin ang kanilang iniwang trono’t korona.

Diniskaril ng top-seeded Blacklist International, sa pamumuno nina OhMyV33nus at Wise, ang asam na unang tropeyo ng ECHO PH makaraang magposte ng 4-2 kartada upang muling mabawi ang kanilang trono sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Season 10 Grand Finals sa Blue Leaf Cosmopolitan sa Quezon City, Linggo.

Photo Courtesy of MPL PH

Ito na ang ikatlong kampeonato ng Blacklist at V33Wise tandem mula sa huling apat na finals ng MPL Philippines.

Kinilala naman bilang MPL Finals Most Valuable Player (MVP) si Edward “Edward” Dapadap matapos magtala ng game-high two kills per game (KPG), 6.33 assists per game (APG), at five KDA para maakay ang power duo sa tropeyo.

Naging matikas ang simula ng unang laro ng serye matapos maitala ang 13-5 iskor kontra ECHO nang mahablot ng Blacklist ang liderato, 1-0, makaraang magtala ng seven kills at five assists kartada si Danerie “Wise” Del Rosario gamit ang Valentina.

Matapos ang malamyang simula sa game one, agad na bumawi si Tristan “Yawi” Cabrera sa ikalawang laro gamit ang Valir makaraang 1/1/8 kill-death-assist bentahe, daan upang pamunuan ang ECHO sa 10-3 win sa oras na 16:33 minuto.

Dismayadong muli ang Blacklist sa game three matapos ang dominanteng ariba ni Alston “Sanji” Pabico makaraang mag-ukit ng 8/2/7 kill-death-assist sa Valentina at pamunuan ang ECHO sa 19-5 iskor kontra Blacklist, 2-1.

Pagdako sa game four, tumikada si Johnmar "OhMyV33nus" Villaluna gamit ang Mathilda matapos magsampa ng 21 assists, daan upang maitabla ang serye sa 2-2.

Nagsalansan naman si Salic “Hadji” Imam sa game five ng 8/1/9 KDA gamit ang Pharsa sa loob lamang ng 13 minuto para maipinta ang 20-7 iskor at muling makopo ang liderato kontra ECHO, 3-2.

Pagdaong sa game six, muling rumatsada si Agent Zero matapos magpatsi ng three kills at five assists habang gamit ang Paquito at isumite ang 9-3 bentahe sa oras na 17:43 minuto, rason upang masikwat ang kanilang kampyonato sa MPL.

Bunsod ng nasabing dwelo, nakahain na ang Blacklist International at ECHO PH bilang kinatawan ng Pilipinas sa M4 World Championships sa Jakarta, Indonesia.


Iniwasto ni Diana Mae Salonoy