50K Pinoy seafarers, nanganganib mawalan ng trabaho
Ni Basti M. Vertudez
Namemeligro ang posibilidad na makapagtrabaho ang tinatayang 50,000 na mga Pilipinong seafarer sa mga barko ng European Union (EU) dahil sa patuloy na pagkabigo ng gobyerno ng Pilipinas na tumalima sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW).
Sa isang pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs noong Oktubre 27, ipinunto ni Jerome Pampolina, Department of Migrant Workers (DMW) assistant secretary for sea-based services, na huling taon na ito upang sumunod ang Pilipinas sa itinakdang STCW.
Sakaling mabigo pa rin ang pamahalaan, maaaring bawian na ng European Maritime Safety Agency (EMSA) ang mga manggagawang Pinoy ng sertipikasyon na makapagtrabaho sa European vessels dulot ng pagpalpak ng bansa sa mahigit isa’t kalahating dekadang taunang ebalwasyon ng naturang ahensya.
“The country has not been able to pass the EMSA audit since 2006, or for more than a decade,” saad ni Pampolina.
Gayunpaman, nilinaw niyang hindi agarang mawawalan ng trabaho ang mga manggagawang kasalukuyang nasa EU vessels sapagkat papayagan pa sila hangga’t hindi pa paso ang kanilang STCW certificates.
Kaugnay nito, idinagdag ng kalihim na maaari pang maibalik ang sertipikasyon mula sa EMSA sakaling bawiin ito ngunit hindi na kwalipikado pang ipadala sa mga barko ng EU ang mga manggagawang Pinoy dulot ng kawalan ng pahintulot mula sa nabanggit na ahensya.
“If the recognition is withdrawn, the Philippines will undergo a new round of evaluation and must satisfactorily comply with the findings before the recognition is restored. Meantime, Filipino officers and ratings will no longer be qualified to be deployed in EU-flagged vessels that require such certifications and existing certifications will be honored until their expiration,” paliwanag ni Pampolina sa kundisyong kinahaharap ng mga Pilipinong seafarers.
Bago pa ang isyung ito, nauna nang hinimok ng EU ang Pilipinas na tumalima sa STCW Convention, Pebrero ng kasalukuyang taon.
Kasabay nito, ang bansa ay inudyukan din na tumugon dito kalakip ang ebidensyang nagpapatunay na umaaksyon na ang pamahalaan upang masiguro ang pagsunod sa naturang standards.
Bunsod ito ng iba’t ibang suliraning nasilip ng EU sa bansa sa isinagawa nitong inspeksyon noong 2020 hinggil sa sitwasyon ng sistema ng edukasyon, pagsasanay, at sertipikasyon ng mga seafarers sa Pilipinas.
“Inconsistencies have been identified in relation to the competencies covered by the education and training programs leading to the issuing of officers’ certificates, as well as in several approved programs regarding teaching and examination methods, facilities and equipment,” pahayag ng EU hinggil sa lagay ng maritime industry sa bansa.
“Inconsistencies have also been identified in the monitoring of inspections and evaluations of the schools. In addition, there have been concerning findings as regards simulators and onboard training,” dagdag pa nito.
Samantala, nakatakda sa Nobyembre ang huling pasya ng EMSA kung pahihintulutan nitong makapagtrabaho sa EU vessels ang mga Pinoy seafarers o ipahihinto ang pagpapadala ng naturang mga manggagawa sa Europa sakaling hindi pa rin maresolba ang ‘issue of compliance’ ng pamahalaan ng bansa sa minimum global standards para sa maritime industry.
Iwinasto ni Lorraine Angel Indaya