Kingen, DRX pinayukod ang T1, sinikwat ang unang kampeonato sa WC
By Manuel Arthur S. Machete
Tanaw na ang muling pagbagsak ng dinastiya sa pangunguna ng bagong hari.
Dinismaya ng DRX, sa liderato ni Hwang “Kingen” Seong-hoon, ang T1 matapos magpaskil ng 3-2 bentahe upang ikopo ang kanilang unang tropeyo at muling gibain ang “T1 Dynasty” sa League of Legends (LoL) World Championship 2022 sa Chase Center sa San Francisco, California nitong Linggo.
Kinilala bilang Finals MVP si DRX Kingen matapos magtala ng 4.09 KDA, kabilang na ang dominanteng 5/0/5 kill-death-assist bentahe sa Game 4. Sumegunda naman si Kim “Deft” Hyuk-kyu ng game-high na 4.00 KDA para akayin ang koponan sa kanilang unang kampyonato.
“I kind of saw it coming because after game 4, I became a mind game artist. I went all in or go home,” pahayag ni DRX Kingen sa isang panayam ukol sa kaniyang pagkapanalo kontra T1. “Everytime there’s a team fight, I always become a beast (with this mindset).”
Naging matikas ang simula ng Game 1 makaraang mag-ukit ang T1 ng 13-5 kartada kontra DRX, 1-0. Naghulma dito ang crowd bet na si Lee “Faker” Sang-hyeok ng 6/1/4 kill-death-assist.
Matapos ang malamyang simula, agad na bumalikwas si Kingen sa ikalawang laro gamit ang signature champion Aatrox, at nagsampa ng four kills, three deaths, at game-high na 10 assists para sa DRX, 17-13.
Nanlumong muli ang DRX sa game three makaraang mag-ukit ng 2/1/7 kill-death-assist si Choi “Zeus” Woo-je, top laner ng SKT, sa Gragas at pasanin ang grupo sa 12-12 iskor laban sa kapwa South-Korean team, 1-2.
Pagdako sa ikaapat na laro, hindi na nagpaawat ang DRX sa pag-ariba nang magposte ng 14-4 puntos, bunsod muli ng main champion ni Kingen na Aatrox nang magpatsi ng limang kills at limang assist.
Pinalagapak na ng DRX ang binubuong dinastiya ng T1 matapos ang late-game surge ng Caitlyn ni Deft na kargado ng four kills at four dishes, daan upang mahablot ang tropeyo ng LoL World Championship.
“Heading in to this (tournament), our coach, Sung-hee, told me that the one who hesitate is the one that loses and that has become a motto for my plays,” dagdag pa ni Kingen ukol naman sa kaniyang karanasan sa Finals ng Worlds 2022.