RSG PH lusot sa second round, nilaglag ang OMG sa MPLI
Ni Crisdenmar Dela Cruz
Pinatunayan ng bagong timplang RSG PH na kaya nilang dominahin ang Omega Esports matapos kumalawit ng 2-0, upang maipagpatuloy ang kanilang kampanya sa nagbabagang MPL Invitational 2022.
Sa naturang matchup, nagpamalas ng kakaibang kamandag ang rookie jungler na si John “1rrad” Tuazon gamit ang kaniyang madulas na Martis katuwang si Nathanael “Nathzz” Estrologo gamit ang Benedetta na bumida naman sa closer.
1rrad at Nathzz ang nagmando sa atake ng RSG.
Sa pagsisimula pa lamang ng game one ay showtime na ang ipinamalas ni Nathzz gamit ang kaniyang Paquito na nagtala ng maagang 4-0-0 KDA sa loob lamang ng limang minuto daan upang makalap ang 2800 gold lead at diktahan ang tempo ng laro.
Bagamat hindi madalas gamitin ang hero na Martis sa mga nagdaang MLBB Tournament, obra maestra ang inihandog ni 1rrad sa mga manonood, matapos ipakita ang potensyal ng hero na ito sa jungle position nang tapusin ang unang laban na may 2-0-9 KDA.
Nagtapos ang laro sa 14-1 kartada at pumukol ng perpektong 7-0-3 KDA ang bantog na EXP Laner na si Nathzz papunta sa MVP na gantimpala.
Ipinagpatuloy ng MSC 2022 Champion RSG PH ang kanilang arangkada sa game two ng laro kung saan nagpakitang gilas si Dylan “Light” Catipon sa paggamit ng roam Kadita na muli’t-muling binigyan ang Atlas ni Deomark “Mikko” Tabangay para buksan ang team fights at padaliin ang buhay ng kaniyang mga
kakampi sa pagkuha ng objectives.
Hindi na lumingon pabalik ang MPL PH S9 Champion RSG PH sa pangunguna ng mga set-up plays ni Light
katuwang ang Faramis ni Dexter “Exort” Martinez, Benedetta ni Nathzz, at Lesley ni Clarense “Kousei”
Camilo na palaging inuungusan ang kalaban para makuha ang importanteng kills na nagbigay sa kanila ng kalamangan sa early hanggang midgame.
Isinarado ng Raiders ang serye sa score na 17-2 at tinapos ang laro sa loob lamang ng 19 minuto kung
saan itinanghal na MVP ang baguhang si 1rrad na nagtala ng 7-0-7 KDA.
Makakalaban ng RSG PH ang Alter Ego sa second-round ng playoffs sa darating na Biyernes. Samantala, opisyal nang matatanggal sa torneyo ang Smart Omega.