Ni Patrick Pasta

Diniskaril ng Ateneo Blue Eagles ang pamamayagpag ng UP Fighting Maroons matapos selyuhan ang tunggalian, 65-55, at angkinin ang Game 2 ng UAAP Season 85 men's basketball finals sa Smart Araneta Coliseum, Miyerkules. 

Photo Courtesy of Philippine Star

Una nang nasikwat ng Fighting Maroons ang Game 1 nitong Linggo, 66-72, subalit napurnada ang kanilang agarang kampyeonato matapos dagitin ng Blue Eagles ang ikalawang laro at puwersahin ang do-or-die Game 3.

"We lived to fight another day," ani Coach Tab Baldwin ng Ateneo, na haharapin ang UP sa ikalawang sunod na Game 3 mula nitong nakaraang season. 

Pinamunuan nina Ange Kouame, Kai Ballungay, at Fourthsky Padrigao ang Ateneo matapos itarak ang kanilang 15-point biggest lead, 61-46, at hamunin ang UAAP defending champs sa harap ng 20, 616 manonood sa "The Big Dome."

Pinanindigan ng Blue Eagles ang kanilang depensa at momentum upang pigilan ang bawat atake ng Fighting Maroons hanggang matuldukan ang bakbakan, 65-55.

Nanguna sa rekord na 19 puntos, 11 rebounds, tatlong steals at tatlong blocks para sa Ateneo si Kouame.

Tumikada naman mula sa mahinang simula si Ballungay matapos lumista ng 15 puntos upang akayin ang kanyang koponan sa unang tatlong yugto ng laro at itarak ang 13-point bentahe, 57-44.

Nagdagdag ng 11 puntos at pitong rebounds si Padrigao upang palakasin pa ang pamumuno ng Ateneo.

Samantala, nagkaroon na ng tiyansa ang defending champions na baliktarin ang takbo ng laro matapos paliitin ang pagitan nila sa 9-point deficit, 63-54, 4:46 minutong nalalabi subalit bigo silang tapatan ang depensa ng katunggali.

Namuno sa UP Fighting Maroons sina Carl Tamayo, JD Cagulangan, at Terrence Fortea matapos magposte ng respektibong 15, 11, at siyam na puntos para sa defending champs.

Sa kabilang banda, tanging dalawang puntos at 11 rebounds ang nailista ni Season MVP Malick Diouf (73.857 SPs) na kinilala bago ang Game 2.

Panibagong dagok naman sa Fighting Maroons ang pagkawala ni Zav Lucero sa lineup ng do-or-die Game 3 matapos nitong magtamo ng left knee injury sa 8:31 clock marker ng Game 2.

Nakakasa na sa Lunes ang huling 'Battle of Katipunan' na gaganapin pa rin sa Araneta Coliseum upang itanghal kung sino ang maghahari sa UAAP Season 85.


Iniwasto ni Quian Vencel Galut