Ni Lynxter Gybriel L. Leaño


Binago ng Asian Development Bank (ADB) ang forecast nito hinggil sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas mula 6.5 porsiyento na ngayon ay aabot ng 7.4 porsiyento kahit pa patuloy ang pagtaas ng presyo ng iba’t ibang produkto sa merkado.


Photo courtesy of AC Dimatatac/World Bank/ADB

Nagbunga ang panibagong forecast na ito dahil hindi inaasahan ng mga ekonomista na aangat sa 7.6 porsiyento ang gross domestic product (GDP) ng Pinas nitong Hulyo hanggang Setyembre. Ito ay dahil na rin sa pagbabalik ng tourism industry at pagtaas ng employment rate.


"GDP grew by 7.7% in the first three quarters of this year, driven by robust private consumption and investment and by sustained public infrastructure spending," pahayag pa ng ADB sa kanilang ulat.


Upang labanan ang inflation rate at banta ng global economic recession, idiniin ng ADB na aasahan ang pagbaba ng ekonomiya ng bansa sa 2023 sa 6 porsiyento mula sa dating forecast na 6.3 porsiyento dahil sa pagtaas ng interest rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).


"The GDP growth forecast for 2023 is revised down to accommodate monetary tightening, a sharper growth slowdown in the advanced economies, and continuing uncertainty arising from the Russian invasion of Ukraine," giit ni ADB Philippines Country Chief Kelly Bird. 


Samantala, inaasahang lolobo pa sa 5.7% ang inflation rate ng bansa ngayong taon mula sa dating forecast na 5.3%, bago pa man ito bumaba sa 4.3% sa taong 2023.


“We should expect inflation to peak soon and will slow down by 2023,” sabi pa ni Bird.


Paliwanag pa niya, bahagyang bababa ang inflation rate ng Pilipinas sa 2023 dahil sa ipinatupad ng US at iba pang bansa na paghihigpit sa kanilang monetary policy.


Gayunpman, hindi pa rin daw dapat makampante ang gobyerno sa mga ganitong numero. Kaya’t inirerekomenda ng ADB sa administrasyong Marcos na mag-invest sa infrastructure development projects dahil makatutulong ito sa pagtaas ng employment rate sa bansa.


Kinakailangan rin daw ng gobyerno na gumastos ng 5% sa magiging GDP para sa mga proyektong ito na makakapag-ambag sa pagangat ng ekonomiya.


“It’s going to be 10-20 years of investments to bring up the Philippines to global standards,” diin pa ni Bird. 

 


Iwinasto ni Audrei Jeremy Mendador