MANIBELA, ‘di pepreno ngayong SONA sa ‘transport strike’ vs jeep phase-out; LTFRB, nagbabalang mananagot ang mga lalahok na tsuper
Ni John Emmanuell P. Ramirez
Bagama’t tinakot na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maaaring bawian sila ng prangkisa, desidido pa rin ang MANIBELA Transport Group na ituloy ang tigil-pasadang gaganapin sa Hulyo 24 hanggang 26 upang tutulan ang phase-out ng mga tradisyunal na jeepney.
Photo Courtesy to IBON Foundation/MANIBELA |
Sa isang panayam, umaasa si Mar Valbuena, chairman ng MANIBELA, na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na lang ang tanging pag-asa para matuldukan ang isyu, lalo na’t sasabay ang nationwide strike ng mahigit 200,000 operators sa State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 24.
“Kahapon po tinuldukan na ni Secretary Jaime Bautista (Department of Transportation o DOTr) na hanggang December 31 na lang po talaga kami kaya ano pa ‘yung kailangan namin ikatakot doon?” diin ni Valbuena.
Hiling nila sa pangulo, “‘Siya na po mismo magsabi sa kaniyang Secretary na ‘yung aming prangkisa ay maibalik sana sa limang taon.”
Noong July 14 lamang, nagbabala si LTFRB chief Teofilo Guadiz III sa mga tsuper na makikilahok sa tigil-pasada na hindi dapat inilalagay sa alanganin ang pampublikong transportasyon, dahil ginagawan na rin naman nila ng paraan ang kanilang mga reklamo sa Public Utility Vehicle (PUV) modernization program.
“Mag-isip isip ho kayo. Baka pagkatapos ng inyong tigil pasada, matigil na talaga ang inyong pamamasada... Mananagot ho sila sa LTFRB,” saad ni Guadiz.
Back-Track Muna Tayo
Ang naturang PUV Modernization Program ng 2017 Omnibus Franchising Guidelines ay nire-require ang mga jeepney operators na sumali sa mga consolidated franchise groups hanggang Disyembre 31 ngayong taon upang maabono nila ang mahigit P2,000,000 halaga ng mga modernong jeep — kung hindi ay mawawalan sila ng provisional authority sa kanilang mga ruta.
Matatandaang nagtigil-pasada na rin sa pangunguna ng grupong PISTON ang mga jeepney drivers noon pang Marso 6 hanggang 12, kung saan napagbigyan sila ng diyalogo sa Malacanang at pumabor ang pangulo na pag-aralan muli ang rebisyon ng programa.
Apat na buwan ang nakalipas, bumusina ang MANIBELA sa Facebook Live nang nag-anunsiyo si Valbuena na magkakaroon uli ng pangalawang strike ngayong Hulyo, kasunod ng 'di pagtupad ng DOTr at LTFRB sa kasunduang isama ang transport sector sa pagbabago ng modernization guidelines.
Handa ring sumali sa tatlong-araw na tigil-pasada ang PISTON at nakatakda silang mag-apela ng position paper sa Office of the President, kasabay ng malawakang protesta na tinaguriang “State of the Transport Address” sa Mendiola St. ngayong Hulyo 17.
Konspirasiya sa mga Kooperatiba
Giniit ni Valbuena na nagsisimula na ang LTFRB na magpamigay ng mga ruta sa mga local government units at malalaking korporasyon at kooperatiba, dahil laganap na ang bidding ng mga ruta na umaabot sa 5,000,000 piso nang walang abiso sa individual operators.
“Actually, wala dapat bidding. So ito, palalim itong ginagawa. Di naman ito mapupunta sa kaban ng bayan,” pahayag ng lider.
Naobserbahan din ng MANIBELA na talamak na ang pag-a-award ng ibang prangkisa sa mga mayor at congressman, kung saan mahigit 200 na drayber daw sa isang ruta ang apektado.
Dagdag pa niya, gusto ng mga kooperatiba na hindi na mai-extend ang deadline na Disyembre 31 para sa mga traditional jeep operators, upang mga modern jeepney na lang ang makakapasada para makabawi sa lugi nila na tinatayang 200,000 piso sa bawat 15 modernized units.
“LTFRB na rin ang nagsabi sa akin, na hangga’t nandyan kami na mga traditional jeepneys, mga UV express, na hindi nagmodernize — ‘yung mga nag-avail ng mga modernized units, hindi po nakakabayad ngayon,” ani Valbuena.
Dahil dito, inaasahang dodoble raw ang minimum na pamasahe para matugunan ang mga patong-patong na utang ng mga bumili ng modernized units.
Walang Paubayaan
Banat ng DOTr sa MANIBELA, nagkaroon naman daw ng mga konsultasyon sa mga operator, kasama ang LTFRB at Office of Transportation Cooperatives (OTC), sa mga nagdaang linggo, at naging patas naman daw sila sa pag-iimplementa ng naturang guidelines sa mga korporasyon at kooperatiba.
Hinamon ng kagawaran na magbigay ng konkretong ebidensya ang MANIBELA upang mapatunayan ang kanilang mga alegasyon.
Anila, “their planned ‘strike’ is intended to gain media attention and public sympathy, but not to address the legitimate concerns of PUV drivers and operators.”
Giit naman ng MANIBELA, “‘yung hinihingi nilang ebidensya sa amin, nagpapatunay lamang na ‘di nila binabasa ‘yung mga reklamong ipinapasa namin sa kanila o pinapa-receive namin, kasi naka-attach na po roon eh ‘yung mga ebidensya sa reklamo namin.”
Hinggil naman sa mga konsultasyon, diniin ni Valbuena na wala pang nase-set na meeting, dahil hindi raw lagi natutugunan ang kanilang imbitasyon na makidiyalogo kay DOTr Secretary Bautista.
Payo niya, dapat DOTr ang mag-set ng skedyul para sa kanila, dahil sila ang governing body nito, imbes silang mga transport group ang linggo-linggong dudulog sa kanilang opisina.
Sa kabila nito, inaasahang pangungunahan naman ni Bautista ang meeting ngayong linggo kasama ang ibang mga ahensya at mga transport group, upang pag-usapan ang magiging posibleng implikasyon at epekto ng darating na strike.
Iwinasto ni Jennylou Canon