Jeremiah Daniel Regalario

Pumailanlang kamakailan ang isyu sa inilabas na bagong logo ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) bilang pagdiriwang ng ika-40 taon na anibersaryo ng ahensya mula nang ito’y maitatag. 

Photo Courtesy of Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR)

Mula sa kanilang dating logo na dalawang kamay at bituin sa kulay na luntian at dilaw, ang bagong logo ng ahensya ay kakikitaan ng stylized na P at G (o kaya’y C, ayon sa ilan) na may tila apoy na anyo sa gradiented na bughaw at pula.

“[The new logo] incorporates the element of fire associated with energy, inspiration, passion, and transformation. It symbolizes the flame that ignites change and drives progress. The logo likewise reflects a beacon which symbolizes guidance, leadership, and direction. It represents a guiding light that helps people find their way,” pahayag ni PAGCOR chairman Alejandro Tengco sa isang panayam.

Dagdag pa ni Tengco, ang bagong logo ay sumasalamin sa determinasyon at pangako ng ahensya na magsilbing gabay na nagbibigay liwanag at inspirasyon sa mga buhay na kanilang pagseserbisyuhan. 

Kontrobersiya sa Halaga, Plagiarismo at Kalidad

Kasabay nito, umani ng samu’t-saring pambabatikos mula sa komunidad ng mga graphic artists at logo designers ang nasabing logo. 

Ayon sa mga propesyunal na graphic artists at mga nagtatrabaho sa industriya ng logo designing, hindi katanggap-tanggap ang bagong logo dahil hindi nito nakamit ang kalidad na naaayon sa community standards lalo na’t malaking halaga ito sa mga logo.

Ayon sa Facebook post ni Jonathan Vergara Teodoro, isang graphic artist, ang bagong logo ay maraming “off” curves. Aniya’y sa halip na gumamit ng “circles” na siyang standard sa komunidad ng pagdidisenyo, “oblong” umano ang ginamit.

Sa kabilang banda, umalma rin si Sen. Grace Poe sa isinagawang bidding process at ang malaking halagang ginastos mula sa kaban ng bayan para sa logo na aniya’y nagmukhang “minadali” lamang.

Sa kanyang talumpati sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Poe na posible na ang kinontratang kompanya, sa kabilang ng pagiging maliit na institusyon, ay nagawang pumasa sa standards na itinakda para sa hinihingi ng ahensya kung kaya’t ito ang nagwagi sa bidding, subalit taliwas ito sa naging resulta.

"But P3 million... For that? I would ask if there is proper bidding there, how they were able to get the contract of that scale," ani ng senadora.

Lumabas din ang isyu ng umano’y “plagiarism” ng logo mula sa social media website na “Tripper.” Ang logo nito ay gaya ng bagong logo ng PAGCOR ngunit ito ay may solid shade ng cyan, kung kaya’t nagbunsod ito ng usap-usapang ninakaw ang logo ng ahensya mula rito.

Isang screenshot mula sa webpage na may URL na "tripper.academesoft.shop" ang nagpakita ng kahawig na logo. Ngunit sa pag-iimbestiga, isang bagong gawang website lamang ito na naglalayong pagmukhaing ito ang may orihinal na logo na siya namang ninakaw ng nagdisenyo ng logo ng PAGCOR.

Naglabas ng pahayag ang ahensya kontra sa mga maling pag-aakusa ng plagiarismo.

"The allegation made against PAGCOR is entirely false and driven by malicious intent. Throughout its operations, PAGCOR has consistently upheld the highest standards of integrity, transparency, and accountability. The agency remains dedicated to fostering a safe and thriving gaming industry in the country," pahayag ng PAGCOR.

Samantala, ang Tripper website naman ay kasalukuyang sinamsam ng mga awtoridad “due to legal reasons.” 

“We appreciate your support and the freedom of speech you have exercised on this platform. However, certain activities have violated local regulations, leading to the necessary actions taken by the authorities,” ayon sa website.

Tugon ng Kamara

Bunsod ng mga isyung kinaharap ng nasabing logo, pinapa-imbestiga na ng mga mambabatas ng Kamara ang posibleng korapsyon na naganap dito. 

Ang House Resolution 1120, na inihain noong ika-13 ng Hulyo ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc, ay hinihimok ang good government and public accountability panel ng Kamara na alamin kung mayroon bang nangyaring korapsyon at busisiin ang pinagdaanang proseso sa nasabing proyekto.

"The questionable procurement of PAGCOR's new logo raises concerns about possible corruption and misuse of public funds. We must hold those responsible accountable,” ayon kay Rep. France Castro (ACT Partylist), ang naghain ng resolusyon kasama si Rep. Raoul Manuel (Kabataan Partylist) at Rep. Arlene Brosas (Gabriela Women’s Party).

Binigyang-diin ni Castro na hindi makatarungan ang naging pasya ng gobyerno na gumasta ng P3 milyon para sa rebranding ng gaming corporation ng bansa sa kabila ng “P14.1 trilyong” utang nito.  

“If the funding went toward building National Child Development Centers, which currently only has P3 million for its budget, more children would have benefited,” dagdag pa ni Castro.

Sigalot sa Ibang Ahensya ng Pamahalaan

Hindi na bagong isyu ang pagrerebrand sa mga ahensya ng pamahalaan dahil kamakailan lamang ay naglabas din ng bagong tema at logo ang Kagawaran ng Turismo (DOT), gayundin ang pagpapalit ng logo ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Matatandaang inulan ng batikos nang palitan ng DOT ang kanilang tanyag na temang “It’s More Fun In The Philippines” ng ‘matamlay’ na  “LOVE the Philippines”. Pinuna rin ang mga clips at scenes na nasa promotional video na inilabas kasabay nito na hindi sa Pilipinas kinuha sa kabila ng malaking budget na inilabas para rito.

Noong 2019 Southeast Asian Games kung saan ang Pilipinas ang nagsilbing host ng nasabing palaro, naging usap-usapan ang logo na may mababang kalidad gayong malaki ang naging gastos para rito.

Gaya ng logo ng PAGCOR, marami ring mga lokal na graphic artists ang nagpakita ng kani-kanilang disenyo upang ipakita ang kalidad na dapat makita sa halagang ibinabayad gamit ang kaban ng bayan.


Iwinasto ni Phylline Calubayan