'BAKIT NABALEWALA ANG BESHY KO?' Kasi masyado pa raw “ahead of time” yung mala-Messenger noong 90’s
Elaizarose Golfo
Sino ba naman ang hindi nakakakilala kay "Messenger"? Magkaroon nga lang ng saglit na problema sa sistema nito tulad ng hindi pagsend ng messages at larawan ay agad itong nagiging numero unong trending. Si Mark Zuckerberg ang imbentor ng Meta kung saan nanggaling ang Messenger, pero alam niyo ba na may mas nauna pa sa kanya at isa itong Pilipino? Kaya nga lang, bakit hindi nag-click si beshy?
Photo Courtesy of National Academy of Science and Technology Philippines |
Taong 1954 nang naimbento ni Gregorio Y. Zara, isang Pilipinong inhinyero at physicist, ang kauna-unahang videophone. Tinagurian din siya bilang “The Father of Video Conferencing” dahil sa nasabing device. Isa itong “two-way television telephone” at bagamat may mga pagkaantala sa pagtanggap ng mga tawag ng halos dalawang minuto, maituturing pa rin itong isang tagumpay sa larangan ng teknolohiya, lalo na noong kanyang panahon.
Ang video calling ay ang pagtawag gamit ang isang device na may camera at screen upang makausap ang isa o higit pang tao kahit saan sila naroroon. Kagaya na lamang ng kilala nating si “Messenger,” maaaring magkausap ang dalawang tao nang nakikita ang isa't isa; ang pinagkaiba nga lang ay ang videophone ni Zara ay gumagamit ng telepono at telebisyon.
Hindi ito ang una’t huling nagawa ni Zara sapagkat nadiskubre rin niya ang tinatawag na “Zara effect” at nagkaroon siya ng higit sa 30 patented na imbensyon. Isa na rito ang earth induction compass.
Ang “Zara effect” ay isang physical law kung saan nagkakaroon ng resistance sa passage ng isang electrical current kapag ito ay gumagalaw. Gayundin, ang earth induction compass ay patuloy na ginagamit hanggang ngayon upang matukoy ng mga piloto ang tamang direksyon. Noong 90’s din ito naimbento ni Zara pero tila yata “ahead of time” ang kaniyang videophone.
Ayon sa artikulong inilabas ng Philippine News, hindi sinuportahan ng gobyerno ang videophone ni Zara na sana’y ibebenta sa mga dayuhan. Hindi naman daw ito isang komersyal na produkto o kakikitaan ng pera.
Bagama’t hindi naging sikat tulad ng “Messenger” ang videophone ni Zara, siya pa rin ang itinuturing na ninuno pagdating sa imbensyon ng video calling. Isa itong makasaysayang tagumpay na inaalala at pinaparangalan hanggang ngayon dahil hindi lang pala ibang bansa ang may Zuckerberg, Pinas din pala.