EXPLAINER | “9.2 Bilyong Piso sa Confidential at Intel Funds,” Para Saan?
Bianca Lim
Naging laman ng bawat headline ngayong buwan ang tumataginting na 9.2 bilyong pisong nakalaan para sa “Confidential and Intelligence Funds” (CIFs) sa National Expenditure Program (NEP) ng gobyerno para sa susunod na taon. Sinalubong ng halo-halong paliwanag mula sa awtoridad at pagpuna mula sa iba’t ibang samahan ang nasabing balita, ngunit sa huli, ano nga ba talaga ang nakapaloob sa paggamit ng CIFs at bakit naging kontrobersiyal ito?
Ano ang Confidential at Intelligence Funds?
- Ang Confidential at Intelligence (o Intel) Funds ay tinatawag na “lump-sum amounts” o isang halagang ibinibagay nang isang bagsakan kaysa sa pamamagitan ng installments.
- Ang pinagkaiba ng dalawang ito ay sa teknikal na kahulugan dahil ang confidential funds ay tumutukoy sa perang ginagamit para sa “surveillance activities” ng mga ahensiya na siyang makatutulong sa gampanin at operasyon nito.
- Ang intel funds naman ay tumutukoy sa perang ginagamit para sa mga aktibidad na makatutulong sa paglikom ng impormasyon ng mga “uniformed and military personnel” at “intellectual practioners” na makatutulong sa seguridad ng bansa.
Ano ang layunin at limitasyon nito?
- Sa sumusunod lamang maaaring gamitin ang CIFs:
- Pagbili ng impormasyong kailangan para sa pagsasagawa ng mga aktibidad, programa, at proyektong mahalaga para sa seguridad at kapayapaan ng bansa.
- Gastusin sa mga operasyong magbubunyag o magpapatigil sa mga ilegal na aktibidad na maaaring magdulot ng pinsala sa mga pasilidad at pagmamay-ari ng isang ahensiya.
- Pagbayad ng pabuya sa mga informer.
- Pangbayad ng upa ng mga sasakyang gagamitin sa mga kumpidensyal na aktibidad.
- Pangbayad ng upa at pagpapanatili ng kalagayan ng mga safehouse.
- Pagbili ng mga kagamitang ‘di mabibili sa karaniwang pamamaraan para sa mga kumpidensyal na operasyon.
- Iba pang mga gawaing pinahintulutan ng General Appropriations Act o iba pang naaayong batas.
- ‘Di maaaring gamitin ang CIFs sa sumusunod:
- Ano mang uri ng sweldo, benepisyo, o gantimpagal sa mga opisyal o empleyado ng gobyerno, maliban na lamang kung pinahintulutan ng batas.
- Pagpapagawa o pagbili ng imprastrukturang walang kaugnayan sa mga kumpidensyal na aktibidad.
- Iba pang mga bayarin tulad ng pangkasiyahan na walang kaugnayan sa layunin ng CIFs.
Paano nababantayan ang paggamit nito?
- Mga National Government Agency (NGA) lamang ang maaaring kumuha ng parehong confidential at intel funds. Samantala, confidential funds lamang ang maaaring kunin ng Local Governments at Government-Owned and Controlled Corporations (GOCC).
- Bagaman hindi ipinapakita sa publiko ang mga pinaggamitan ng CIFs, kinakailangan pa ring magsumite ng bawat ahensiyang gumamit nito ng Quarterly Accomplishment Reports na may kasamang wastong ebidensiya.
- Kailangan ding magsumite ng Physical and Financial Plan na naglalaman ng halagang kailangan gamitin sa mga planong aktibidad at proyekto.
Confidential at Intel Funds Noon
- Dahil ‘di inilalabas sa publiko ang kabuoang detalye ng pinaggamitan ng CIFs, mabilis maging mainit na usapin ang paglobo ng bilang ng mga pondong itong inilalaan para sa iba’t ibang ahensya.
- Taong 2010
- Isa sa mga pinakamalaking halaga ng CIFs ang inilaan sa badyet sa taong ito na nagkakahalagang 651 milyong piso.
- Dito, 500 milyong piso ang para sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (ATOCC), 150 milyon para sa Office of the President (OP), at isang milyon para sa National Telecommunications Commission.
- Taong 2011-2016
- Sa taong 2011, sa ilalim ni Dating Pangulo Benigno Aquino III, ang badyet para sa CIFs ay 400 milyong piso. Sa ibang mga taon ng kaniyang termino, nanatili sa 500 milyong piso ang badyet na nakalaan para sa CIFs na siyang ginamit ng administrasyon para sa Presidential ATOCC.
- Taong 2017 at 2021
- Naging kotrobersiyal ang biglaang paglaki ng halaga ng CIFs sa ilalim ng Dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan umabot ng 2.5 bilyong piso sa 2017 at 4.5 bilyong piso naman sa 2021 na siyang sinabing gagamitin para sa kampanya kontra droga ng kaniyang administrasyon.
- Sa huling report ng administrasyon, nagamit ang buong badyet na 4.5 bilyon kung saan mahigit-kumulang 1.86 bilyong piso ang nagamit ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa (DND) samantala’y 908.45 milyong piso naman ang nagamit ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG), maliban pa sa ibang mga kagawaran.
Kasalukuyang isyu sa Confidential at Intel Funds
- Ngayon, 9.2 bilyong piso ng 5.768 trilyong pisong NEP para sa taong 2024–kapareho sa kabuoang CIFs sa NEP 2023—ang nakalaan para sa CIFs, kung saan 4.5 bilyon ang para sa Office of the President (OP), samantala’y 500 milyon naman sa Office of the Vice President (OVP) at 150 milyon sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd).
- Agad na nabahala ang grupo ng Makabayan bloc, sa basehang ang Dating Pangalawang Pangulong Leni Robredo ay hindi nagkaroon ng CIFs sa kaniyang badyet. Dagdag pa rito, pinuna rin ni ACT Teachers Rep. France Castro ang diumano’y nahanap na anomalya ng Comission on Audit (CoA) na nagkakahalagang 125 milyong piso.
- Kailanma’y hindi rin nagkaroon ng CIFs ang DepEd bago ang administrasyon nina Marcos-Duterte. Kaya naman, samot-saring oposisyon ang natanggap nito lalo na’t nakapagtataka kung saan gagamitin ng kagawaran ang CIFs. Ngunit, sinagot naman ito ng bise president na ang “eduksayon ay may ugnayan sa seguridad ng bayan.”
- Iilang mambabatas naman na kabilang sa minority bloc ang kumwestiyon sa unang 9.2 bilyong pisong proposal na CIFs noong 2023, kasama na si Albay 1st District Rep. Edcel Lagman (ngayo’y presidente ng Liberal Party) na nagsabing ang paggamit ng CIFs, “breed[s] corruption, and the more enormous the funds are, the greater the magnitude is for the possibility of graft.”
Bagaman sinasabi sa batas na mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad gaya ng budget officer at chief accountant sa ilalim ng Joint Circular Order No. 2015-01 ang paggamit ng CIFs, nakakapangamba pa ring ‘di nalalaman ng mamamayan ang lahat ng pinupuntahan nito. Lalo na lamang ngayon na mahigit-kumulang 10 bilyong pisong halaga ng kaban ng bayan ang nakalaan sa CIFs, kasabay ng ‘di maaasahang track record sa mga gastusin ng pangulo sa nakaraang taon, tunay na kahit nalalaman ng bawat isa ang teknikal na layunin ng CIFs at ang mga batas sa likod nito, ‘di pa rin mapipigilang mapatanong ng “para saan?”
Sa huli, ganito kabigat nga bang priyoridad ang dapat ibigay sa sikretong impormasyong makatutulong sa operasyon ng mga ahensiya at seguridad ng bansa kung nakalantad at kitang-kita ang napakarami pang mas mabibigat na problemang kagyat na pinahihirap ang buhay ng sambayanang Pilipino?