FALSE: Marcos history, ituturo na raw sa eskwelahan
Janniel Pacaonces
Ayon sa vlogger na si Sangkay Janjan sa kaniyang YouTube channel na Sangkay Janjan TV, ituturo na raw ang kasaysayan ni Ferdinand Marcos Sr. sa mga paaralan.
Sa mahigit 10-minute video na may caption na “Marcos history ituturo na sa schools?” nabanggit ng vlogger na ituturo na ang Marcos history sa mga paaralan at pilit itong kinonekta sa kumalat na memorandum sa social media na nag-uutos alisin ang "Marcos" sa "Diktadurang Marcos" sa kurikulum ng Grade 6 Araling Panlipunan.
CLAIM: Marcos history, ituturo na sa schools.
RATING: False
CONCLUSION: Ang tinutukoy ng vlogger sa video ay ang pagsirkula ng memorandum na naka-address sa Office of Undersecretary for Curriculum and Teaching. Ito ay naglalayong tanggalin ang “Marcos” sa “Diktadurang Marcos” sa kurikulum ng Grade 6 Araling Panlipunan. Walang nakapaloob dito na ituturo na ang kasaysayan ng namayapang pinatalsik na diktador.
Ang pahayag na ito ay FALSE. Walang nakapaloob sa memorandum na ituturo na ang kasaysayan ng namayapang pinatalsik na diktador.
Ang kumalat na memorandum ay kinumpirma mismo ng DepEd Bureau of Curriculum and Teaching Director na si Joyce Andaya. Ito raw ay binuo ng kanilang Bureau of Curriculum Development (BCD) specialist.
Kaniyang nilinaw na dadaan muna sa masusing pag-aaral at deliberasyon bago ilabas ang pinal na kurikulum ng DepEd. Ayon din kay Andaya, maaari pa rin namang gamitin ng mga guro ang terminong “Diktadurang Marcos” sa pagtalakay nila ng paksa ukol sa diktadura.
Ang nasabing memorandum na ito ay epektibo na sa mga paaralang kasalukuyan nang nagsasagawa ng pilot testing sa nirebisang K to 10 curriculum.
Inalmahan at binatikos ng ilang mga grupo, pati na rin ng isang grupo ng martial law era survivors, ang memorandum na ito.
Ayon kay House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, ang desisyong pagtanggal sa “Marcos” sa salitang “Diktadurang Marcos” ay malinaw na pagrebisa sa kasaysayan at ito rin ay insulto sa mga hindi mabilang na biktima noong panahon ng martial law.
Binigyang diin din ni Castro ang Section 27 ng RA 10368 na nagbibigay mandato sa DepEd at Commission on Higher Education (CHED) na isali sa curriculum ang pagtuturo ng mga kasamaan sa ilalim ng batas militar at ang buhay ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahong iyon.
Sa kabila ng mga batikos sa nasabing memorandum, sinabi ni Andaya na walang political pressure sa DepEd na kasalukuyang pinamumunuan ni Sara Duterte. Si Duterte ang running mate noong eleksyon ni Bongbong Marcos — anak ng namayapang diktador.
Ayon sa Amnesty International, 70,000 katao ang kinulong, 34,000 ang nakaranas ng torture, 3,240 ang pinatay, at 398 ang mga desaparecidos noong martial law. Samantala, 75,000 biktima naman ang dumulog sa Human Rights Victims’ Claim Board (HRVCB) ngunit 11,103 lamang sa mga ito ang binigyan ng financial assistance.
Hanggang sa kasalukuyan, mailap pa rin ang hustisya para sa mga biktima ng namayapang diktador.
---
Makiisa sa aming kampanya kontra mis/disimpormasyon sa pamamagitan ng pagreport ng mga ito na iyong makikita sa internet.
Para mag #FactCheck, maaari mong i-report ang mga ito sa:
www.explained.ph/report o sa email ng [email protected]