MISLEADING: Ipamimigay raw ang Marcos golds gamit ang mga digital IDs
Ace Balangitan
Tallano golds na naman? Ayon sa isang video ng isang YouTube channel na “PweDelie TV,” ipamamahagi na raw ang mga ginto at “Marcos accounts” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gamit ang mga digital IDs.
CLAIM: Ibibigay raw ang “Marcos accounts” and golds sa mga Pilipino gamit ang mga digital na National IDs.
RATING: MISLEADING
CONCLUSION: Ang planong mga digital IDs ay tugon ng gobyerno sa matagal na distribusyon nito sa mga pisikal na national IDs, at walang kinalaman sa pamimigay ng ayuda mula sa “Marcos accounts."
Engk! MISLEADING ang pahayag na ito. Walang kinalaman ang naratibong “Marcos golds” sa nabanggit na digital IDs.
Sa bidyong ito, ini-reupload lamang ang press briefing ng Malacanang Press Corps (MPC) kay Ivan John Uy, ang kalihim ng Department of Information and Technology (DICT) noong Setyembre 13 kung saan nagbigay ng panayam ang kalihim tungkol sa implementasyon ng digital national IDs. Ang pagsasagawa ng nasabing plano ay naka-target bago matapos ang taon.
Sa press briefing na ito, walang nabanggit patungkol sa “Marcos golds” o “Marcos accounts” ang kalihim. Ang walang baseng haka-hakang ito ay lumang naratibo na ginamit ng mga propagandista noong kasagsagan ng kampanya ni Marcos Jr.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nakapagpadala na ng mahigit 43 milyong pisikal na ID sa mga Pilipino, ngunit ayon sa kalihim ng DICT, mahigit 80 milyong identidad na ang naitala ng PSA.
Mahigit limang taon na ang nakalipas nang magsimula ang National ID System pero maraming mga Pilipino pa rin ang hindi nakakatanggap ng mga IDs. Ang planong digital IDs ay ang tugon ng gobyerno sa naantala at matagal na distribusyon ng mga pisikal na IDs.
Iwinasto ni Christine Gaile Dimatatac
---
Makiisa sa aming kampanya kontra mis/disimpormasyon sa pamamagitan ng pagreport ng mga ito na iyong makikita sa internet.
Para mag #FactCheck, maaari mong i-report ang mga ito sa:
www.explained.ph/report o sa email ng [email protected]