#NeverForget | Bangungot ng Batas Militar
Ignacius Carell Cruz
51 na taon ang nakalipas nang ideklara ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang Batas Militar sa buong Pilipinas na siyang nagmitsa sa isa sa pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa. Nananatili ang kaliwa’t kanang kasinungalingan at harap-harapang panloloko ng kaniyang pamilya.
Cartoon by Alex Macatuno |
Tungkulin ng bawat Pilipino na tiyaking mananatili sa mga aklat, mga usapin sa loob ng silid-aralan at mga tahanan, at maging mga kwentuhan sa mga masisikip na pasilyo at lansangan ang mga karumal-dumal na paglabag sa mga karapatang pantao, mga hindi makatarungang pag-aresto, at walang habas na pagpaslang sa mga kritiko at aktibista ng mga Marcos at mga kasabwat nito.
Sa pagsapit ng Setyembre taon-taon, naglilipana ang mga makukulay na parol at ilaw-dagitab, samantalang nag-uumapaw sa saya ang mga Pilipino tungkol sa nalalapit na Pasko. Ngunit, sa matatandang isipan ng mga biktima at kamag-anak ng mga ito, nalalapit muli ang ika-21 ng Setyembre na siyang anibersaryo ng Martial Law. Muling bumabalik sa kanilang isipan at nananatiling malinaw ang mga pangyayari noong dekada sitenta. Kabilang na rito ang hindi makataong pagdurusa na kanilang sinapit sa kamay ng kapulisan dahil inaabuso ng diktador sa Malacanang ang kaniyang kapangyarihan upang lalong magpayaman habang patuloy na bumabaon sa kahirapan at kagutuman ang milyun-milyong niyang mga kababayan.
Subalit, sa kabila ng mga ginintuang patunay mula sa mga lokal at banyagang mga organisasyong nangagalaga sa karapatang pantao, ang anak ng diktador, lakwatsero, walang kaalam-alam sa panunungkulan at kasalukuyang Pangulo na si Ferdinand Marcos Jr. ay mariing itinatanggi ang mga pangyayari noong Martial Law. Sa halip na kilalanin at humingi ng walang katapusang patawad mula sa mga Pilipinong pinaslang at pinahirapan ng kaniyang ama, mayroon pang lakas ng loob at kakapalan ng mukha si Marcos Jr. na kuwestiyunin ang katotohanan sa likod ng mga datos ng mga paglabag sa karapatang pantao noong Batas Militar.
Malaking sampal ito sa sambayanang Pilipino sapagkat harap-harapang panloloko sa sarili at taumbayan ang hindi pagtanggap ng Pangulo sa mga madugong pangyayari sa ilalim ng Martial Law. Mismong ang pamahalaan noong termino ng yumaong si Benigno Aquino III, kung saan senador si Marcos Jr., ang kumilala sa mga biktima ng pang-aabuso. Sa pagkakatatag ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission, humigit kumulang 11,000 na ang nabigyan ng karampatang tulong bunga ng kanilang natamong pagpapakasakit mula sa militar na siyang matibay na patunay na hindi kasinungalingan ang mga numerong nakalathala sa mga aklat tungkol sa kasaysayan.
Dagdag pa rito, nakadudurog ng puso na muling marinig ang mga kwento ng mga biktima tulad na lamang ni Loretta Ann Rosales na siyang guro sa kasagsagan ng Batas Militar subalit inaresto at pinarusahan ng kapulisan gamit ang iba’t ibang paraan dahil sa pagkuwestiyon nito sa pamamalakad ni Marcos. Bukod sa iligal na pagkakakulong, sinapit niya ang waterboarding o pagbubuhos ng tubig sa mukha upang lunurin.
Dahil sa mga ito, naniniwala akong nasa katwiran ang mga grupo at organisasyon tulad na lamang ng Karapatan sa pangunguna ni Cristina Palabay na siyang hinihikayat si Pangulong Marcos na wakasan na ang ilang dekadang kasinungalingan ng kaniyang angkan. Hindi makatao ang kaliwa’t kanang baluktok na impormasyon mula sa trolls at bayarang influencers na lalong lumala sa kasagsagan ng eleksyon. Ang pagyurak sa katotohanan ay pambabastos sa mga bayaning ibinuhos ang kanilang buhay upang makamtan ng Pilipinas ang kasarinlang tinatamasa nito sa kasalukuyan.
Lubos namang nakagagalit ang plano ng Kagawaran ng Edukasyon na tahasang baguhin ang kasaysayan sa aklat ng mga primarya at sekundaryang paaralan. Tandaan dapat ng Bise Presidente na si Sara Duterte na tulad ng kaniyang walang saysay na confidential funds, wala ring maidudulot na kabutihan sa susunod na henerasyon ang malinaw na pambubudol ng mga Marcos at Duterte sa mga Pilipino. Paulit-ulit man nilang piliting baluktutin ang mga tunay na pangyayari, mananatili ang mga sundalo ng katotohanan na siyang ipaglalaban kung ano ang tama.
Nararapat lamang na hindi hayaan ng sambayanang Pilipino na manaig ang kadiliman sa kanilang kagustuhan na burahin sa kasaysayan ang madugong mga kaganapan noong Martial Law. Utang na loob natin sa bayan na tiyakin na makararating sa kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon kung gaano kasahol ang pamamalakad ng mga Marcos noong dekada '70 at' 80, kung paano nila niyurakan ang karapatan ng mga mamamayan at masahol na pagpapatahimik sa mga pumuna ng mga naganap sa Malacanang. Ang pagkapanalo ni Marcos Jr. noong nakaraang taon ay patunay na nagwagi ang mga Marcos sa kanilang pag-atake sa demokrasyang itinatag ng mga Pilipinong naglakas loob na ilunsad ang People Power Revolution noong 1986 sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga baluktot na impormasyon at pagbura sa kasaysayan.
Samakatuwid, ang paggunita sa Martial Law ngayong taon ay nangangailangan ng higit pang suporta mula sa sambayanan na singilin si Marcos Jr. Ito na ang panahon upang kaniyang patunayan na hindi nagkamali ang bayan sa pagluklok sa kaniya sa pwesto at kilalanin ang libu-libong mga paglabag sa karapatang pantao na nangyari sa termino ng kaniyang ama.
Wakasan na ang kasinungalingan. Marcos, humingi ka ng tawad tungkol sa Martial Law at mga Pilipinong nilapastangan noon hanggang sa kasalukuyan.