SAKLOLONG TRES-CANDOR: Escandor, sinalba ang DLSU sa second quarter, pinataob ang UP sa Game 2 finals
Josel Sapitan
Maaga man natambakan ang koponan, tangan ni Francis Escandor ang tiradang nagbaliktad ng kapalaran.
Photo Courtesy of UAAP Media Bureau |
Naitakas ng De La Salle University (DLSU) ang bantang pagkuha sa titulo matapos gapiin ang magandang ratsada ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa first half, 82-60, upang angkinin ang Game 2 ng S86 UAAP Men’s basketball best-of-three finals, Disyembre 3 sa Smart Araneta Coliseum.
Ginulantang ng Green Archers forward Escador ang Fighting Maroons nang mag-init ang outside shooting nito sa second quarter matapos kumana ng back-to-back threes sa harap ng mahigit 20,000 katao sa Big Dome.
“Basically we just really wanted to win, coming to this game from a very big loss…and we showed now,” wika ni six-foot-three anchor Escandor.
Bagaman tinambakan ng 30 puntos ang koponan sa Game 1, 67-97, bumandera ng 14 points si Escandor dagdag pa ang 12 markers ni Joshua David sa kabuuang 8-of-11 triple field goals na nagpahirap sa Fighting Maroons.
Dagdag niya, hindi pa natatapos ang laban at patuloy na maghahanda ang koponan para sa nalalapit na huling pagtatapat ng dalawang koponan.
“Jobs not finished, we got a great win today but after tonight we celebrate and after that back to work,” aniya.
Tinulak ng Taft-based squad ang do-or-die Game 3 finals sa pamumuno ni Mythical five Evan Nelle na nagtala ng double-double 12 rebounds, 10 assists at five steals sa kabila ng apat na puntos.
Kumolekta rin ang bagong UAAP MVP Kevin Quiambao ng nine points, 11 rebounds at three blocks na sinahugan ng 11 at nine markers nina CJ Austria at Michael Phillips kasama ang 13 boards at two blocks.
Agresibong binuksan ng maroon-and-white ang unang yugto sa 8-0 run ngunit dala ang matinding depensa ng Green side na niresbakan ng two triple's ni David para idikit ang iskor sa 24-27.
Samantala, sa pagbubukas ng second half patuloy ang pag-arangkada ng Green Archers nang itarak ni Escandor ang double digit lead matapos maglista ng 3-of-3 three's na nagbunga ng 16 points lead sa pagtatapos ng ikatlong yugto, 65-49.
Nagmistulang pader si Quiambao sa pagsisimula ng fourth quarter matapos ang dalawang sunod na pagposte sa opensa ng Fighting Maroons dahilan nang patuloy na paglobo ng kalamangan sa bente, 71-51.
Sa kabilang banda, nagtala ng tig-11 puntos at rebounds si Mythical five Malick Diouf dagdag pa ang two blocks na mismong kumalos sa takbo ng UP sa first quarter, 24-27.
Sisikaping muli sungkitin ng DLSU Green Archers sa Miyerkules, Disyembre 6 ang titulo sa loob ng pitong taon kontra UP Fighting Maroons na banaag na ibulsa ang kanilang ikalawang titulo sa nagdaang tatlong season.
Edited by Diana Salonoy