Raymond Carl Gato

“Bagong Bayani” kung tawagin ng nakararami, ang Overseas Filipino Workers (OFW) ay ang mga Pilipinong migrante na nakikipagsapalaran sa iba’t ibang bansa upang maghanap-buhay. Ayon sa Oktubre 2023 na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong 1.96 milyong OFWs ang Pilipinas.


Kumpara sa 2017-2019 na datos kung saan pumalo sa 2.33 milyon ang OFWs, bumaba ang mga numero pagsapit ng 2020 hanggang sa kasalukuyan. Maituturong puno’t dulo ng pagbaba ng datos na ito ang pandemyang COVID-19 na nagdulot ng panganib sa kalusugan ng mga manggagawa at nagtulak sa iba’t ibang mga lider na magpataw ng travel ban.


Ayon sa sarbey ng Social Weather Stations noong 2022, 7% ng mga Filipino households ay mayroong naninirahan na OFW. Bukod sa pagiging bayani ng kani-kanilang mga pamilya, paano nga ba nakakatutulong ang mga OFWs sa bansa? At gaano nga ba kalaki ang salaping inaambag nila sa ekonomiya ng Pilipinas?



Ano’ng ambag mo?


Ayon sa datos ng Central Bank of the Philippines, nagtala ng record-high na remittances mula sa OFW ang Pilipinas na pumalo sa $36.14 bilyon noong Disyembre 2022. Kapag sinabing remittance, ito ang kinita o ipon ng mga OFWs na ipinapadala sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas. Sa Filipino, ito ang 'padala.'


Sa bawat padala ng OFWs, nagkakaroon ng pera ang kanilang mga kamag-anak upang gumastos para sa kanilang mga pangangailangan at kagustuhan. Kaakibat nito ay ang pagtaas ng consumer spending, o ang pag-gastos ng mga mamamayan sa mga produkto at serbisyo.


Ang mga produkto at serbisyo na ating kinukonsumo ay pinapatungan ng Value Added Tax. Halimbawa, sa bawat bili mo ng kendi ay kumikita pareho ang mga negosyante at ang pamahalaan.


“OFW remittances, at new record highs on a monthly basis, are a bright spot for the Philippine economy in terms of spurring consumer spending, which accounts for at least 75 percent of the economy, and in turn, support faster economic growth,” ika ni Rizal Commercial Banking Corp. Chief economist Michael Ricafort.


Tunay nga na ang mga OFWs ay hindi lamang bayani ng kani-kanilang mga pamilya, bagkus ay bayani ng buong sambayanang Pilipino. Naging mahalaga ang tungkulin ng mga OFWs sa pagbangon ng Pilipinas mula sa economic impacts ng coronavirus pandemic.