Angelee Kaye Abelinde Bagama’t konstitusyon ang binatayan ng Kongreso sa paggamit ng People’s Initiative upang isulong ang Charter Change, binigyang-diin ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na hindi pa rin ito maituturing na konstitusyonal dahil hindi lamang amyenda ang ipinapanukala nito kundi tuluyang pagbago sa Saligang Batas.

“I strongly believe it is unconstitutional. The people’s initiative concept was borrowed from the US. People’s initiative can only amend the constitution. It cannot revise the constitution,” saad ni Carpio sa panayam ng ANC 24/7, Huwebes. 

Naging basehan ng Kongreso sa naturang panukala ang nakasaad sa Artikulo XVII, Seksiyon 2 ng Saligang Batas ng 1987 na kinakailangan lamang ng pirmang hindi bababa sa 12 porsiyento ng mga botante at tatlong bahagdan ng bawat 254 distrito ng bansa upang maamyendahan ang Saligang Batas. Subalit, binanggit ni Carpio ang Commission on Election Resolution No. 10650 na nagsasaad na hanggang pagdaragdag, pagbabawas, at pagtatanggal lamang ang amyendang maaaring ipatupad ng People’s Initiative at hindi maaaring baguhin ang mga pangunahing prinsipyo at probisyon ng konstitusyon. Hindi rin maaaring gamitin ang People’s Initiative sa pagrebisa ng Saligang Batas dahil kinakailangan muna nito ng constituent assembly o constitutional convention bago maipatupad. Binubuo ang constituent assembly ng mga kasalukuyang nakaupong mambabatas na magtitipon-tipon upang amyendahan o baguhin ang Saligang Batas, habang sa constitutional convention naman ay mamamayan ang hihirang ng mga karapat-dapat na indibiduwal na may kakayahang pag-aralan kung ano ang mga dapat ayusin sa Konstitusyon. “To revise the constitution, you need a deliberative body. There must be debates, and you need a recorded proceeding. It’s not practical to include the revision of the constitution in the people’s initiative because there’s no debate. It’s allowed only if it’s a simple amendment and not a revision,” paglilinaw ni Carpio.

Pag-amyenda o pagrebisa?

Naniniwala si Carpio na pagrebisa sa Konstitusyon ang itinutulak ng naturang People’s Initiative dahil hindi nito sinusunod ang prinsipyong "checks and balances" kung saan dehado ang senado kahit pa hindi sila sumang-ayon sa naturang panukala. “There are 316 members of the House and 24 of the Senate. If they vote jointly, even if 24 members of the House vote against it, nobody votes in favor, but you need only 255 members of the House to vote in favor because three-fourths is required, then it passes. You completely disregard the Senate,” paliwanag niya. Hindi rin maaaring pagsabay-sabayin ang mga amyendang nais ipanukala dahil maituturing na itong pagrebisa sa konstitusyon. “It should only be one subject matter. You cannot include several subject matters because that will be a revision already. It should be a simple amendment like for public office, you must be a college graduate, you must have a college degree,” aniya.

Ibasura ang People’s Initiative

Dahil pagrebisa sa Saligang Batas ang ipinanunukala ng People’s Initiative, ayon kay Carpio, nararapat lamang itong ibasura ng Comelec dahil sumasalungat ito sa sariling batas ng komisyon. “The Comelec now must dismiss this petition because it is a revision. It is not included, not allowed. So, if it gives due course, if it allows this petition, if it verifies the signature, the oppositors can go to the Supreme Court,” mungkahi niya. Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nakatanggap na sila mula sa halos 900 lungsod at munisipyo sa buong bansa ng mga dokumentong pirmado ng mga botanteng sumasang-ayon sa Cha-Cha. Noong Lunes, naglabas na ang 24 senador ng kanilang pinagkaisang pahayag na kinokondena ang pagpapatupad ng Cha-Cha sa pamamagitan ng People’s Initiative. Edited by Kriztelle Sitoy