Lyndon James Diesta at Geelyn Avanceña

Mister Kupido, sa kanya'y dead na dead ako.

Nakakikilig. Nakahuhumaling. Makapigil-hininga. Sabi nila, mas matamis pa raw sa pulot-pukyutan ang pakiramdam na mapaibig sa isang tao kaya naman marami rin ang gustong makadama sa pagtama ng pana ni Kupido na kahit na minsan, kirot ang dulot nito.



Lagi kong naaalala, ang kanyang tindig at porma.

Mahahanap daw ang pag-ibig sa hindi inaasahang mga lugar – sa paaralan, sa trabaho, o sa kung saan man. Ngunit nakabibigla rin naman ang makatanggap ng isang mensahe ng pagsuyo sa isang tao sa isang lugar na pampropesyonal ang konteksto.

Sa isang ulat ng Business Insider, nakasaad dito na tila ginagawa nang isang ‘dating app’ ang LinkedIn na karaniwang ginagamit para sa pagnenegosyo at propesyunal na mga gawain. Nabanggit din sa isang panayam sa artikulong ito, ginagamit ito dahil nakikita ang pinag-aralan ng tao at ang kaniyang trabaho sa kasalukuyan. Isang halimbawa na rito ang 24-anyos na kababaihan mula sa New York City, na siyang nagkaroon ng tatlong manliligaw habang sabay na naghahanap ng trabaho at ng kasintahang may maayos na karera at may kaya sa buhay.

Subalit, may mga negatibong reaksiyon naman ang ilan sa mga netizen nang mapansin ang pagbabagong ito sa app. Ayon sa kolektibong hinaing, idiniin ng marami na hindi dating app ang LinkedIn, kundi isang plataporma kung saan pormal na makapaghahanap ng trabaho ang mga propesyunal.

Bilang karagdagan, ayon sa isang pag-aaral ng Inquirer ukol sa karanasan ng mga kababaihan sa LinkedIn, 91% sa 1,000 nakilahok dito ang nasabing mayroong malalaswang mensahe mula sa ibang tao sa aplikasyon na ito. Dagdag pa rito ang sinabi ng communications consultant na si Caitlin Begg na maaaring ginagamit ngayon ng GenZ ang LinkedIn bilang plataporma ng pakikipagrelasyon sapagkat maaaring sila ay disconnected mula sa ibang tao.

Napakalayo man ng naaabot ng pana ni Kupido, mahirap pa ring tuntunin kung busilak o totoo ang pag-ibig na ito.

Minsan siya ay nakausap, ako ay parang nasa ulap.

Bukod sa mga dating applications, patok rin sa mga kabataan ang mga istorya ng pag-ibig sa mga libro – mga pantastikong sitwasyon na kung saan isa kang karakter na maaari mapa-in love sa ika’y heartthrob ng iyong paaralan, o palambutin ang mala-yelong puso ng anak ng mafia boss sa isang unibersidad. Mala-gangster na binatang itatambal sa matalinong dilag tulad ng She's Dating the Gangster, o 'di kaya'y mga piksyunal na tauhan mula sa paaralang nababalot ng misteryo at karahasan gaya ng Hell University na siyang patok sa Wattpad. Tiyak na mapupukaw ang iyong damdamin sa kilig na kanilang dala!

Pero sa totoong buhay, hindi mahirap makita na ang pagiging estudyante ay napakahirap; napakaraming gawain, deadline, at sari-sari pang pagsubok.

Bukod pa rito, sikat din ang mga couple o “love team” lalo na sa anyo ng bidyo sa ika-21 na siglo. Kung ika’y pupunta sa mga social media website kagaya ng YouTube, Facebook o Instagram, masisilayan dito ang iba’t ibang mga sikat na aktor na ipinagpapares na para bang totoo silang nagmamahalan.

Sa isang panayam ng Get Real kay Liza Soberano, kapag ang isang pares ng mga aktor ay naging sikat, sila’y nagiging isang love team – at tulad ng asin at paminta, tanging silang dalawa lang ang magkasama sa isang pelikula o palabas.

"We're supposed to be a real couple on and off cam, and we only work with each other for our whole career,” ani Soberano.

Bakit ba ganito ang nadarama ng puso ko?

Bagamat matatagpuan ang pag-ibig sa bawat sulok ng mapa, tila napukaw ang atensiyon ng bagong henerasyon gawa ng mga kilalang midya, panitikan at dating apps. Ngunit, marami pa rin ang mga pusong walang katuwang at nag-iisa.

Sa ulat ng Manila Bulletin, 18.5 milyong lalaki at 15.7 milyong babae ang walang kasintahan. Isang malaking pagkakataon ito upang ipausbong ang pagmamahal ng tao sa kapwa. Sandamakmak man ang pintong magbubukas pagdating sa pag-ibig, subalit iba ang epekto nito sa kasalukuyang henerasyon, sapagkat marami sa mga Pilipino ang mayroong mataas na standard na siyang nakadadagdag hirap pagdating sa paghahanap ng kasintahan.

Bawat damdamin ay may puwersa ng manipestasyon na siyang nakaaapekto sa kung paano tanawin ng mga kabataan ang pagmamahal. Kahit ito ay nakikita sa iba't ibang kaanyuan ay narito pa rin ang magkasamang pressure at kagustuhan ng mga tao na magkaroon ng karelasyon. Sana all dito, sana all doon. Kasabay na rin ang bawat relationship goals na nais nilang maranasan pagdating ng panahon.

Hindi naging madali ang pag-ibig, kung kaya't nahuhulma ang kagustuhan ng mga Pilipino sa isang kasintahan. Tila parang pelikula na may happy ending ang kanilang tingin sa pagmamahal, na siyang lubos na hinihintay — Na sana, sila rin ay makaranas ng isang mala-pantasyang pagmamahal.

Mister Kupido, ako nama'y tulungan mo.

Maliban sa personal na interaksyon ay nauuso na rin ang pakikipagrelasyon sa social media o mas kilala sa tinatawag na online dating. Dito binubuhos ng mga tao ang kanilang sarili upang makahanap ng potensiyal na katuwang sa buhay.

Iilan lamang sa mga kilalang dating apps ay ang Tinder, Bumble, Grindr at Litmatch. Sa pamamagitan ng pag-swipe pakanan ay tila nabibigyan ng pagkakataon si Mister Kupido na pumana sa mga taong ilang milya pa ang layo mula sa isa't isa. Mula rito, unti-unting uusbong ang mga istoryang posibleng lumipad tungo sa kasalan.

Ngunit hindi lahat ng online love story ay nagtatapos nang masaya.  Kagaya ng pagtaliwas ng pana ni kupido, tila bumabalot ang pait sa bawat pagtatapos ng isang relasyon.

Huwag mo nang tagalan ang paghihirap ng puso ko.

Tunay ngang nakahuhumaling ang pag-ibig saan man tayo mapunta. Sa bawat kilig na ating mararamdaman ay may kaakibat ding kirot at bigat na mararanasan pagdating ng panahon. Kahit ito'y nakapapanakit ng ating dibdib, narito pa rin ang nakahuhumaling na pakiramdam sa tuwing umiibig ang isang tao.

Gawin man ni Mister Kupido ang lahat upang makamtan ng mga naghahangad ang tunay na pagmamahal, mas mainam kung ilugar ito sa nararapat, sapagkat hindi kailanman pinipilit ang pagmamahal. Kundi, ito'y kusang darating sa atin pagdating ng panahon.