WARZONE: Giyera kontra love-bombing, Gaslighting, at Manipulation sa Relasyon
John Phillip Morales
“Bakit ba kasi ang bilis kong mahulog?”
Happy Valentine’s Day! Pero teka, “love month” nga ba para sa ’yo ang buwan ng Pebrero? Hinay-hinay lang at baka isa ka sa mga nabibigo dahil mabilis ka mahulog sa mga senyales ng pag-ibig, real love nga ba o real scam?
Kaya ngayong Buwan ng mga Puso, oras na para ihanda ang inyong mga armas upang puso ay maipaglaban at pighati ay maiwasan.
BOMBA: Mga Senyales ng Love Bombing
Ano nga ba ang love bombing? Para ba itong bomba? Hindi! Ang love bombing ay isang uri ng emosyonal na pang-aabuso na hindi mo na namamalayan na unti-unti ka na palang minamanipula. Ang isang love bomber ay nagpapakita ng senyales ng sobrang pagbibigay sa iyo ng regalo, compliments, at affection. Ngunit hindi lahat ng “acts of service” na nabanggit dito ay maituturing na love bombing.“Ang dami mong ganap, wala ka ng oras para sa akin,”
Ito ang kadalasang banat ng mga taong nagbibigay ng love bombing pagdating sa isang relasyon. Kesyo demanding sa time, gusto palagi silang kasama o kaya kausap kaya in the end, mapipilitan ang mga ka-partner nila na isantabi ang mga ginagawa para makapag-focus sa kanila. May mga pagkakataon din na magkakaroon ng conflict pagdating sa mga kaibigan dahil hindi nila hinahayaang maubos ang oras mo kasama ang ibang tao.
“Baka tayo talaga ang para sa isa’t isa,”
Isa rin ito sa mga gasgas ngunit patok na linya ng mga love-bomber. Palagi nilang ipipilit na “meant-to-be” kayo at hindi maghihiwalay kaya marami sa mga nagiging biktima nito ay natatakot na makaalitan ang kanilang mga partner dahil baka masira ang pangako nitong soulmates.
“Ano ba tayo? Gusto mo na ba ng exclusivity?” Gusto ka niya tanungin agad tungkol sa label niyo, pero hindi ka nagtataka na parang ang bilis naman.
Wala pang isang buwan pero magiging pressure para sa iyo ang tanong na ‘yan. Wala namang mali sa commitment, pero dahil sa tanong na iyon, mapapaisip ka kung bakit ang bilis ng mga pangyayari pagdating sa inyong dalawa. Ano ‘yon, wala pang isang buwan pero mahal ka na niya agad? Kaya bilang resulta, malilito ka kung ano nga ba talaga ang feelings mo para sa kaniya.
Mahal mo ba talaga o nadadala ka lang?
“I want you to wear this ring,” Imbis na mga bulaklak, maaaring jewelry ang regalo niya sa ‘yo.
Disclaimer lang ulit, wala namang masama sa pagbibigay at pagtanggap ng mga regalo pero palaging tandaan na hindi lahat ng regalo ay may kaakibat na pagmamahal, dahil maaari itong gamitin bilang emosyonal na manipulasyon. Maaari niya ito isumbat kapag kayo ay may hindi pagkakaunawaan.
TEAR GAS: Luha kontra Gaslighting
Bakit may gas? Bakit may light? Edi gaslighting! Ang gaslighting ay isang uri ng psychological manipulation kung saan ang abuser ay susubukan niyang lituhin at bigyan ka ng pagdududa sa iyong sarili. Ang mga gaslighters ay kokontrolin ka sa pamamagitan ng pagbaliktad sa’yo ng katotohanan at mapipilitan ka na tanungin ang iyong sarili at intuwisyon. Ang goal ng isang gaslighter ay pagmukhain kang masama at laging may mali.“Ganyan ba talaga ugali mo?” Ang linyang ito ay pagbabaliktad sayo ng partner mo para sila ang maging malinis at magmukha na walang silang ginawa na kasalanan.
Oo, tama itong nababasa mo. Karaniwan sa mga gaslighter ay mahilig kuwestiyonin ang mga emosyon at aksyon mo kahit na para sa iyo ay normal naman iyon.
Eto ha, love is all about helping each other to grow, pero kung ang kapartner mo ay isang taong nagbibigay ng puna nang walang kaakibat na advice o tulong para sa lapses mo, you might as well grow alone, or with the people who truly loves you.
“Ginagawa ko lang ‘yong promise ko,” Pero ‘di ba, promises are sworn with sincerity at dapat gawin genuinely? Kung ginagamit ito to justify their actions na halata namang napilitan sila, promise pa ba ‘yon na maituturing o task na lang?
Iba talaga ang training sa mga red flag na tao, ‘no?
“Sa tingin mo ba ay gagawin ko iyon?” Ito pa, ang isang nang-aabuso ay kadalasang gagamit ng ganitong mga litanya kapag sila ay inakusahan ng pagsisinungaling o paggawa ng mga detalye.
“Pinipilit mo lang akong lituhin. Wala namang sense,” Ang linyang ito rin ay ginagamit upang ikaw ang sisihin at siya ang maging biktima. Kaya bilang resulta, makakaramdam ka ng kaguluhan at guilt, at maiisip mo kung saan ka ba nagkamali.
“Ginawa ko ‘yon kasi mahal kita,” Isa sa mga pinakamagandang halimbawa ng gaslighting. Ginagamit nila ang salitang ‘mahal’ para masabi nilang nararapat lamang ang ginawa nila — kahit mali naman ito.
“Bakit ‘yong kaibigan mo maayos, ikaw naman hindi,” Ikukumpara ka niya sa ibang tao para lang ipamukha niya sa iyo na mali ka.
STOP, LOOK, AND RUN: Safety drills kontra Manipulation
Nasa manipulation na tayo kaya sana magising ka na sa katotohanan, sis. Ang manipulation ay isang pag-uugali ng tao kung saan nakapipinsala siya ng damdamin ng kanyang partner. Ang tawag naman sa mga gumagawa nito ay manipulators. Sinasamantala nito ang iyong mentalidad at emosyonal na kapasidad para makuha ang gusto nila. Samantala, sasamatalahin din ng mga manipulator ang kahinaan mo.Ikaw palagi ang may mali.
Palalabasin niyang ikaw lagi ang mali kaya hindi siya magpapatalo sa argumento niya hangga’t hindi niya nilalaban na nasa iyo ang problema at wala sa kanya. Pakiramdam mo ikaw lagi ang mali at ikaw ang laging nanghihingi ng pasensya.
Kadalasan sa mga ganitong sitwasyon nangyayari ang guilt tripping. Isa itong uri ng manipulasyon kung saan sinusubukan ng manipulator ang kanyang biktima na iparamdam na may kasalanan ito para makuha ang kanilang gusto.
Main character ang isang manipulator. Syempre kwento mo 'yan, ako ang masama riyan.
Sa buong pag-uusap niyo siya lagi ang bida at hindi siya makikinig ‘pag ikaw na ang nagkukwento. Pwede rin siyang sumabay at sabihin na, “Ako nga…” in short, aagawin niya ang spotlight sa’yo.
Silent treatment.
Kapag mayroon kayong hindi pagkakaunawaan, mas pipiliin ng partner mo na ipagsawalang-bahala na lang at kadalasan, bibigyan ka niya ng option na huwag munang mag-usap — or cool off, in short.
Inconsistency.
Totoo na hindi sa lahat ng relasyon ay may kilig at saya. Ngunit may panahon na ipapakita niya sa iyo ang labis na pagmamahal sa pamamagitan ng paggugol ng oras sa iyo at pagbibigay sa iyo ng atensyon. But then, all of a sudden, mag-iiba na ang kinikilos niya at magiging moody at rude nang walang dahilan.
Hindi mo deserve ang maling pagtrato, walang tao ang deserve kailanman na paglaruan ang kanilang physical, emotional, at mental health. We get what we believe we deserve. Sa giyera ng paglaban sa love bombing, gaslighting, at manipulation huwag mo itaas ang puting bandila agad-agad. Huwag nating hayaan na matalo tayo sa giyera. Huwag kang matakot, giyera mo ito para lumaban at iwanan siya.
Huwag kang magmadali dahil ang tamang tao ay darating sa tamang oras.