Cedrick John Fuentes

Matagumpay ang naging kampanya ng Anyang Jung Kwan Jang Red Boosters matapos lusutan ang New Taipei Kings, 78-76, upang makalawit ang ikatlong puwesto sa East Asian Super League (EASL) Final Four na ginanap sa Hoops Dome Arena, Cebu, Marso 10.

Photo Courtesy of One Sports

Pinagpag ng Red Boosters ang late comeback attempt ng Kings sa huling yugto sa tulong ng isang magandang defensive stop upang tuluyang dispatsahin ang mga katunggali at para maiuwi ang ikatlong puwesto.

Pinangunahan ni Park Jihoon ang Anyang Red Boosters matapos magpakawala ng 29 points tangan ang walong rebound at tatlong steal.

Samantala, hindi nakapaglaro si Gilas wingman at Asian import Rhenz Abando para sa Anyang ngayong nagpapagaling pa ito sa natamong back injury sa kanilang huling laro sa Korea.

Maganda ang naging bentahe ng Red Boosters sa unang dalawang quarter ng laro buhat ng magandang opensiba at depensa upang makalayo sa Kings sa halftime.

Ngunit hindi natinag ang Kings, at nagpamalas ng mga solidong scoring runs upang maibaba ang lamang ng Red Boosters sa third quarter ng laro.

Sa pagpasok ng huling yugto, nanguna sa scoring sina Kings star Hayden Blankey at Austin Daye, upang makalapit ang Kings sa Red Boosters, 73-74, na may mahigit limang minuto ang nalalabi sa huling quarter.

Kahit nagpamalas ng isang magandang run ang Kings, sinira ng isang crucial turnover ni Yang Chin-Min ang isang stop, siyang dahilan para maikandado ng Red Boosters ang laro.

Bukod kay Jihoon, nakapag-ambag ng solidong 18-point double-double game si Robert Carter Jr. habang nagtala sina Jeong Hyogeun at Jamil Wilson ng 11 ng puntos para sa panalo.

Samantala, kumasa si Manigault ng 18 na puntos habang umiskor sina Daye at Yang ng 15 na puntos sa kanilang talo.