Rex Neil Falogme

Bigong makapag-uwi ng medalya ang Pilipinas matapos kapusin kontra Hong Kong,9-5, sa ginanap na 2024 International Ice Hockey Federation (IIHF) World Championships Division 3B sa Sarajevo, Bosnia and Herzegovina noong ika-29 ng Pebrero.

Photo Courtesy of BNN News

Dahil sa pagkatalo, tinapos ng national hockey team ang kanilang kampaya sa ika-apat na pwesto, hawak ang dalawang panalo at tatlong talo na kartada sa pagtatapos ng kompetisyon.

Nag-ambag ng tig-isang puntos para sa koponan sina Patrick Abis, Manvil Billones, Eishner Sibug, Kenwrick Sze, at Benjamin Imperial subalit hindi naging sapat kontra sa mga agresibong power-play ng katunggali.

Nakaabante agad ang Hong Kong sa likod ng 3-1 bentahe sa pagtatapos ng first period, dalawang goal mula kay Yau Yam at isa mula kay Elvis Hsu, ngunit nagawang makasagot ng Pilipinas ng tatlong goal sa unang sampung minuto ng second period upang mailista ang 3-4 kalamangan.

Mula rito, muling umalagwa ang Hong Kong matapos makapasok ng tatlong goal si Alvin Sham sa huling sampung minuto ng second period, dalawa ay mula sa power-play, na muling naglagay sa kanilang koponan sa unahan, 6-4.

Nakasagot pa ng isang goal ang Pilipinas sa ikalawang minuto ng third period subalit kumana pa ng tatlong goal ang Hong Kong sa huling walong minuto ng laro na siyang sumelyo sa kanilang panalo.

Nanguna para sa Hong Kong si Sham na mayroong tatlong puntos kasunod ang tig-dalawa nina Yam at Ryan Chu.

Iuuwi ng Hong Kong ang tansong medalya habang ginto naman ang sa Bosnia and Herzegovina at pilak naman ang sa North Korea.