Pelicans dumagit ng tiket sa playoffs; Bulls nadarang sa Heat sa East Play-In
Ryann Yap
Kahit wala ang kani-kanilang superstars, kinubra ng New Orleans Pelicans (West), at Miami Heat (East) ang ika-walong puwestong sasabak sa 2024 Playoffs ng parehong kumperensiya, sa NBA Play-In Tournament, nitong nakaraang Abril 20.
Photo Courtesy of AP Photo/Gerald Herbert |
Dehado man sa star power ang Pelicans dahil sa left hamstring strain ni Zion Williamson na natamo kontra Los Angeles Lakers, dinispatsa naman nila ang Sacramento Kings, 105-98, sa kanilang win–or–go home na duwelo sa Smoothie King Center.
Umalagwa si Brandon Ingram sa opensa ng Pelicans bitbit ang kanyang 24 puntos, anim na rebounds at anim ding assists na sinuportahan naman ng double-double, 19 puntos at 12 rebounds ni Jonas Valanciunas, para masilat ang Kings.
Nabanggit ni Ingram ang ilang taon nilang hindi pag-ariba sa playoffs at ang pagkakaroon muli ng pagkakataong umarangkada sa liga.
“It’s been two years since we’ve been in the playoffs, and now we get another chance to go out there and continue to fight,” wika ni Ingram matapos ang laban.
Kahaharapin ng New Orleans ang nangungunang koponan sa West na Oklahoma City Thunder bilang karibal sa unang serye ng West Playoffs.
Nawalan naman ng saysay ang game-high 35-point awtput ni De’Aaron Fox, at double-double ring nilaro ni Domantas Sabonis sa kanyang 23 puntos kabilang ang 14 rebounds matapos ngang mabigong ilaban ng Sacramento ang pag-asa sa next round.
Matatandaang nilaglag ng Kings ang Golden State Warriors, at natalo naman sa Los Angeles Lakers ang Pelicans bago sila magkabunuan sa torneyo.
Samantala, nagliyab naman ang Heat sa kanilang dominanteng 112-91 tagumpay kontra Chicago Bulls upang angkinin ang 8th seed sa Eastern Conference naman ng liga, nitong nakaraang Sabado rin, sa Kaseya Center.
Hindi nagpasuwag ang Heat sa Bulls, kahit pa kulang ang kanilang fire power, nang hindi maglaro ang kanilang key player na si Jimmy Butler buhat ng isang right MCL sprain sa nakaraang pagkatalo nila sa Sixers.
Nag-init si Tyler Herro para sa Miami mula sa pinosteng 24 puntos, 10 rebounds, at siyam na assists na siyang nanguna sa koponan upang hindi na nakabawi pang muli ang Chicago.
Umpisa pa lamang ng laro, binulaga na ng 19 puntos na kalamangan ng Heat ang Bulls, 32-13, mula sa pagkakatabla ng iskor sa onse dala na rin ng suporta sa opensang nakuha ni Herro kay Jaime Jaquez Jr. na nagtala ng kabuuang 21 puntos sa do-or-die match.
Nakatakda namang makipagbuno ang Miami sa nangungunang squad sa 2024 NBA Regular Season na Boston Celtics sa paparating na unang round sa East Playoffs.
Kahit dehado na, kumayod pa rin si DeMar DeRozan ng 22 puntos para sa Chicago, ngunit hindi ito naging lunas sa paglobo ng bentahe ng Heat.
Tila pumurol naman ang sungay ng Bulls matapos nilang mabaon sa 29 puntos na abante, 99-70, sa ganap na ika-7:05 ng huling yugto mula sa basket ni Jaquez.
Magsisimula ang Conference playoffs ng parehong serye sa darating na Lunes.