Patrick Pasta

Isinalpak ng Choco Mucho Flying Titans at Petro Gazz Angels ang kanilang unang panalo sa PVL All-Filipino Conference Semifinals matapos mamayagpag kontra sa Creamline Cool Smashers at Chery Tiggo Crossovers sa magkasunod na tunggaliang ginanap sa PhilSports Arena, Abril 30.

Photos Courtesy of Premiere Volleyball League/SPIN.ph

Ginimbal ng Choco Mucho ang defending champions at Carlos-less Creamline matapos tangayin ang come-from-behind tagumpay, 3-2 (13-25, 19-25, 25-21, 25-20, 18-16), upang putulin ang kanilang 12-game lose streak mula sa huli.

Malaking dagok sa opensa ng Creamline ang pagliban ni Tots Carlos sa kanilang semis opener, bunsod ng pagsabak nito sa 2024 Korean V-League Women’s Asian Quota Tryouts sa Jeju, South Korea.

Bumalikwas mula sa pagkakalugmok at naunang two-set deficit ang Flying Titans matapos pangunahan nina Sisi Rondina at Royse Tubino ang ikatlong yugto ng bakbakan, 25-21.

Bagama’t nagpatuloy ang momentum ng Choco Mucho sa ikaapat na set, nagawa pang tablahin ni Jema Galanza ang iskor, 19-19, ngunit dulot ng sunod-sunod na unforced errors at miscues ng Creamline, muling napasakamay ng Choco Mucho ang bentahe, 25-20.

Dikit naman ang sagupaan sa huling yugto ng laro bunsod ng sinimulang deuce ni Alyssa Valdez sa kanyang magkasunod na net touch violation at cross-court kill, 14-14, hanggang sa kabigin ni Rondina ang huling dalawang marka upang tuluyang tuldukan ang tunggalian, 18-16.

Pinamunuan ni Rondina ang Flying Titans sa kanilang semis-opener tangan ang 23 puntos mula sa 21 attacks, isang block, at isang ace upang kilalanin bilang Player of the Game.

Naglista naman ng 20 marka si Tubino mula sa 18 attacks at 12 excellent digs habang umambag ng respektibong 12 at walong puntos sina Isa Molde at Maddie Madayag.

Sa kabilang banda, binarikadahan ng Petro Gazz ang kanilang unang tagumpay sa semis laban sa Chery Tiggo matapos tuldukan sa apat na set ang bakbakan, 20-25, 25-21, 25-15, 25-16.

Matatandaang ito ang pagbabalik ng Angels sa semifinals matapos pumalyang makalusot sa nasabing lebel ng liga sa nakaraang dalawang conference ng PVL.

Maagang inangkin ng Crossovers ang panimula ng laro, 20-25, samantalang nangangapa pa sa kanilang ritmo ang two-time Reinforced Conference champs bago mabawi ang ikalawang yugto, 25-21.

Umarangkada naman ang solidong opensa nina Brook Van Sickle, MJ Phillips, at Aiza Pontillas upang dominahin ang ikatlong yugto, 25-15.

Ipinoste ni team captain Remy Palma ang match point ng Angels sa ikaapat na set gamit ang down-the-line na atake samantalang naselyuhan naman ang sagupaan bunsod ng pampanalong spike ni Van Sickle, 25-16.

Itinanghal na Player of the Game si Aiza Pontillas, tangan ang 18 marka mula sa 15 attacks at tatlong blocks.

Naglista naman ng 21 puntos si Van Sickle, dating US NCAA Division I player at pinakabagong dagdag sa koponan ng Petro Gazz, mula sa 18 attacks, dalawang block, at isang ace.

Samantala, nanguna naman sa Crossovers si Eya Laure na nagtarak 15 puntos bagama’t nagtamo ng right hand injury matapos makabanggaan ang teammate na si Shaya Adorador.

Bunsod ng resulta, pareho nang may 1-0 win-loss kartada ang Choco Mucho at Petro Gazz habang nakatakda na rin ang kanilang susunod na laban sa round-robin semifinals sa darating na Huwebes, Mayo 2.