Sa paggunita ng ika-122 na taon ng araw ng mga manggagawa ay patuloy pa rin ang paglaban ng mga proletaryado para sa kanilang mga karapatan. Mula noong unang ipinagdiwang ang araw ng mga manggagawa noong Mayo 1, 1903 sa pangunguna ng Union Obrera Democraticia Filipina (U.O.D.F) ay pinaglalaban na ang patas at nakabubuhay na sahod, at ligtas at makataong kondisyon sa pagtatrabaho. 


Sa paglipas ng panahon ay maraming pagbabago at pag-unlad ang nadala ng modernisasyon. Ngunit sa kabila ng modernisasyon ay paurong ang mga pagbuti ng kalagayan ng mga  proletaryong manggawa sa Pilipinas. Sa nakalipas na 122 na taon ay sa halip na mabawasan ang mga isyu sa lakas paggawa ay lalo lamang itong lumalala at nadaragdagan. Ilan sa mga isyung patuloy na kinakaharap ngayon ay ang kontraktwalisasyon, mga unyon, mataas na unemployment rate, child labor, mataas na pamantayan para sa mga job qualifications, kakulangan sa oportunidad, at mababang pagtingin sa mga blue collar jobs.  

Dala ng matinding kahirapan sa ating bansa at desperadong pangangailangan para sa trabaho ay maraming mga manggagawa ang nagtitiis na tanggapin at manatili sa mga trabahong hindi sapat ang binibigay na benepisyo at sahod. Upang mapunan ang pangangailangan ay maraming naghahanap ng ibang mapagkukunan ng pagkakakitaan. Malaking papel ang ginagampanan ng mga isyu sa trabaho ang paglubog ng mga mamamayan sa kahirapan dahil ito ang sinasandigan ng mga tao upang mabuhay. Patuloy lamang na lalaganap ang kahirapan hangga’t hindi nabubuwag ang hindi patas at hindi makataong kondisyon sa pagtratrabaho. 

Sa paghahanda para sa kinabukasan at pagplaplano ng propesyon na nais tahakin ay marami ang mas pinipili ang mga white collar jobs. Balido man ang mga rason sa likod nito ay nagdudulot ito ng mababang pagtingin sa mga manggagawa na bahagi ng blue collar jobs. Nakakalungkot marinig ang mga pahayag na “Mag-aral ka mabuti para di ka matulad sa kanila,” sabay turo sa mga masisipag na manggagawa na nagpupursige lamang upang magampanan ang kanilang trabaho at mayroong maiuwi sa kanilang pamilya. 

Bagamat parehas na mahalaga ang mga white collar job at blue collar job ay hindi kasalanan ng mga manggagawa sa ilalim ng blue collar jobs na sila ay napunta roon. Lahat ng trabaho, ginagamitan man ito ng husay o lakas, ay mahalaga sa ating lipunan sapagkat ito ay mayroong ginagampanang papel sa lipunan at mayroong kontribusyon sa ekonomiya. 

Maraming Pilipino ang mas pinipili rin ang pagtratrabaho sa ibang bansa sa kadahilanang mas malaki ang sahod na kanilang nakukuha. Hindi man maayos ang kanilang kalagayan ay tinitiis nila ito. Malaki man ang remittances na kanilang nadadala sa bansa ay repleksyon rin ito ng hindi maayos na kalagayan ng mga oportunidad sa trabaho sa Pilipinas. Kung patuloy na ipagwawalang bahala ang kalagayan ng mga trabaho sa bansa ay mapipilitan na ang maraming Pilipino na umalis ng bansa. 

Araw-araw ay masipag na nagpupursige ang mga Pilipino upang makapag hanapbuhay, upang matugunan ang kanilang pangangailangan, at mapabuti ang kalagayan ng kanilang pamumuhay. Ngunit sa ilalim ng sistema kung saan laganap at hindi binibigyang aksyon ang pananamantala ay walang sipag ang makakapag ahon sa mga manggagawa mula sa kahirapan. Tanging ang pagbuwag sa mapansamantalang sistema ang makakapagbigay ng maayos na hanap-buhay sa mga manggagwa at makakatulong sa pagpapataas ng antas ng pamumuhay ng mga mamamayan. 

Hindi sapat ang pasasalamat at ang isang karagdagang araw na pahinga upang mapuna ang araw-araw na pagod at pangangailangan ng mga manggagawa. Sa ating pagbibigay pugay sa lakas paggawa na inaasahan sa epektibong pagpapatakbo ng ekonomiya at pagpuna sa ating mga pangangailangan ay dapat makiisa sa kanilang mga panawagan para sa makataong kondisyon sa pagtratrabaho. 

Huwag na hayaan ang ilang taon kung saan ang patuloy ang mga hamon na kinakaharap ng manggagawa. Gawing layunin ang paggunita sa araw ng manggagawa kung saan hindi na kailangan isipin ang mga hamon na kailabgan solusyonan at tanging pagpupugay na lang kailangan.

Kasabay ng modernisasyon ay dapat na umuunlad rin ang kalagayan ng mga manggagawa at hindi ito paurong. Walang halaga ang pagbibigay pugay kung hindi kikilos upang mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa sa bansa. Tuluyang pawiin ang pagod ng mga manggagawa at pataasin ang kalidad ng buhay ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng makatao at nakabubuhay na hanap-buhay. 

“Sa Bagong Pilipinas: Manggagawang Pilipino, Kabalikat at Kasama sa Pag-Asenso” - ito ang tema ng araw ng mga manggagawa para sa taong ito. Ngunit, kasama nga ba ang mga manggagawang Pilipino sa pag-asenso o patuloy lamang silang ginagamit upang umasenso ang mayaman habang sila ay patuloy lamang na naghihirap? Ang bagong Pilipinas - lipunan ng bagong kayamanan para lamang sa mayaman, at hindi sa masa.