Francine Tosoc

Tanda mo pa ba kung ilang beses ka nang sumakay sa jeep?


Sa mga nagdaang dekada, ang mga jeepney ang itinuturing bilang isa sa mga pangunahing moda ng transportasyon sa bansa. Sa loob ng mahabang panahon, ang mga tsuper ang nagtiyagang maghatid sa masang komyuter sa kaniya-kaniya nilang destinasyon. Ngunit sa kasalukuyan, unti-unti nang tinatanggalan ng karapatan na manatili sa kalsada ang sinasabing mga hari ng kalsada.  

Mula nang maungkat ang usapin ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na niraratsada ng gobyerno, naging sanhi ito ng pagkaipit at pagkatanggal nila sa lansangang minsan din nilang itinuring na imperyo. 

PUVMP: Ugat ng Paghihirap

Layon ng PUVMP na gawing “world-class” ang pampublikong transportasyon sa Pilipinas para sa kaligtasan at kaginhawaan. Ayon pa sa Department of Transportation  (DOTr), sa ilalim ng naturang programa, makakamit ng mga PUV ang global standards. 

Sa kabila ng maganda sanang layunin, magdudulot naman ng malaking hamon para sa mga drayber na kumikita lamang ng maliit na halaga sa araw-araw ang milyones na mga modernong jeep na inimpok mula sa mga dayuhang bansa na umaabot mula P1.3 milyon hanggang P2.6 milyon na siyang malaking hamon para sa kanilang kabuhayan.   

Bukod pa rito, kung titingnan mula sa pananaw ng isang komyuter, ang nakakabahalang pagtaas ng pamasahe ay nagbabadya rin. Mula sa dating P13-15 na pamasahe, maaaring itaas ito hanggang sa P30-40. Sa estado ng ekonomiya ngayon ng bansa, ang pagtaas na ito ay magiging isang pabigat sa bulsa ng mga mananakay. 

Dagdag pa rito, dahil sa mas mataas na presyo ng mga modernisadong Public Utility Jeepney (PUJ), malaki ang posibilidad na mas kaunti ang makakabili nito, na magreresulta ng malaking abala para sa libu-libong komyuter. Kung sa kasalukuyan pa lamang ay hindi sapat ang pampublikong transportasyon para sa malaking bilang ng mga komyuter, mas lalong magiging kritikal ang sitwasyon kung mas kakaunti ang bilang ng mga modernisadong PUJs.


Mga Naghihingalong ‘Hari ng Kalsada’

Sa nakapapasong init ng panahon, matatagpuan ang mga tsuper na matiyagang naghihintay ng mga pasahero malapit sa kani-kanilang minamanehong jeep. Dama sa kanilang tumatagaktak na pawis ang hirap at pagod na kinakailangan nilang indahin kada araw dahil sila ang mga maralitang pawang tinanggalan na ng karapatang magpahinga mapunuan lamang ang kumakalam na tiyan ng kanilang pamilya.

Maingay at abala ang lahat sa LCC Transport Terminal, isang kilalang sakayan sa lungsod ng Naga City, sa probinsya ng Bicol, kung nasaan ang mga tsuper na patuloy sa pakikipagsapalaran sa gitna ng isyu laban sa PUVMP. Isa na rito si Tatay Zalde Solis, isang jeepney driver na 15 taon nang nasa larangan ng pamamasada. Sa tagal niyang nagmamaneho ay ngayong taon lamang siya pumasok sa loob ng kooperatiba. Saad niya, “mas maganda noong una, mas maraming kita.” 

Byahe sa rutang Hobo at Naga ang tinatahak ni Tatay Zalde araw-araw. Kadalasan ay nakakadalawang ikot siya at kung mahina naman ang pasahero ay hindi na siya nakababalik pagkatapos ng isang byahe. Kaya’t kahit umaabot ng 30% hanggang 35% ang kailangan nilang ibigay sa kanilang operator dahil sa pagiging parte nila ng kooperatiba, pinagtitiisan nila ito para may maihain lamang sa gitna ng mesa.

Sa kabilang banda naman ng terminal naroon  si  Luis Olvido, 43-taong gulang at apat na taon nang namamasada. Halata man ang pagod na kanyang dinaramdam ay hindi pa rin mawala ang pagiging palabiro at pilosopo ni Luis kaya’t kung iisipin, mukhang maginhawa ang kanyang buhay at walang problemang dinadala.

Isang tanaw mula sa upuan ng tsuper. Ibinahagi ni tatay Luis, 43, ang kaniyang mga karanasan at mga nakamit na tagumpay sa ilang taon niyang pamamasada. | Larawang kuha ni Vince Niosco.


Tanging ang pagmamaneho ng jeep na lamang ang pinagkukuhanan ng kita ni tatay Luis. Dahil sa kasalukuyang banta hatid ng PUVMP, napilitan siyang pumasok sa kooperatiba upang makapagpatuloy sa pamamasada, matugunan lamang ang pangangailangan ng kaniyang mga anak, lalo na’t nag-aaral pa ang mga ito. 

Ilan lamang si tatay Zalde at  tatay Luis sa libu-libong tsuper na napilitang makisabay sa modernisasyong  hindi gaanong pinaghandaan. Magkaiba man ang istorya ng kanilang buhay, pareho naman silang apektado ng huwad na pangako ng PUVMP. 

Grasa at Pawis sa Likod ng Tagumpay 

Sa likod ng taas-noong ngiti ni tatay Raymundo Ascaño ay ang halos permanenteng grasa sa kaniyang mga daliri at mala-baldeng pawis. Sa kaniyang 66 taong pamumuhay, inilaan niya ang 15 taon nito sa pamamasada ng jeepney. Dahil dito, nakapagpundar siya ng three-door apartment at natustusan niya rin ang iba niyang negosyo gaya ng kaniyang pwesto ng isdaan sa palengke.

Higit sa lahat, dahil sa kaniyang kasipagan, napag-aral niya sa pribadong paaralan ang kaniyang tatlong anak mula sekondarya at napagtapos niya ang mga ito ng kolehiyo sa kursong Nursing, Information Technology, at  Bachelor of Science in Marine Transportation (BSMT).  Dito niya rin inilahad ang kaniyang paboritong memorya sa pamamaneho na kung saan inihahatid niya araw-araw ang kaniyang tatlong anak mula sa kanilang bahay. Ito ang hindi niya malilimutan bukod sa iba niya pang alaala sapagkat ito na rin ang nagsilbing bonding niya kasama ang kaniyang mga anak. 

Dahil sa PUVMP, kada byahe, tila ba huling sulyap na rin ito ng mga komyuter sa mga jeepney na itinuturing bilang hari ng kalsada. | Larawang kuha ni Vince Niosco.


Salungat naman dito ang dagdag ni tatay Raymundo na sa totoo lamang ay hindi niya raw ginusto ang maging drayber at operator ng dyip dahil maraming mahirap panatilihin gaya ng makina at iba pa. 

"Mahirap mamasada kaso wala [naman] choice kasi kapos [sa] pera talaga, tapos nag-aaral pa yung tatlo [kong] anak,” pagsasalaysay niya. 

Natigil lamang si tatay Raymundo sa pamamasada nang pumutok ang pandemya kung saan kinailangan niyang ibenta ang jeep dahil kakaunti lamang ang pasahero, gayundin ang kaniyang kinikita kaya’t minabuti niya na lamang na ibenta ang mga ito at bitawan ang pamamasada.

Nang pumutok naman ang usapin ng PUVMP, kahit natigil na siya sa pamamasada, hindi niya napigilan ang pag-aalala sa kapwa niya mga drayber at operator na nasa katulad niyang sitwasyon na umaasa lamang sa  pamamasada bilang hanapbuhay. Bagama't nakukuha niya ang dahilan ng kinakailangang pagbabago at modernisasyon, hiling niyang sana  ay maging sentro rin ng programa ang mga tsuper lalo na't sila ang bumubuhay sa mga jeepney at sila rin mismo ang pinakaapektado.

"Dapat iniisip din ng administrasyon ang epekto ng programa sa [mga] drivers asin operators [na] tulad ko [kasi] sila mas apektado,” saad ni tatay Raymundo. 

Sa pagsusuma, ang mga tsuper natin ay may iba’t ibang kwento, uri ng tagumpay at suliraning kinakaharap. Gayunpaman, iisa lamang ang hangad nila, at ‘yon ay ang maayos at pantay na karapatan upang magkaroon sila ng maginhawang pamumuhay. Kaya naman, samahan natin sila sa biyahe tungo sa modernisasyong planado at matiwasay. Huwag nating hayaan na tuluyan silang maglaho mula sa kalsadang tinuring nilang imperyo. 

Patuloy nating ipaglaban ang mga tsuper na patuloy na lumalaban nang patas. Dahil gaya natin, karapat-dapat din silang mapakinggan, lalo pa’t sila ang matitiyagang ‘hari’ na lumalaban ng patas, ano mang pasakit ng gobyerno ang ibato sa kanila.