NBA: Mavericks diniskaril ang 2nd half momentum, pinatalsik ang Clippers
Josel Sapitan
Aarangkada ang Dallas Mavericks sa second round ng NBA Playoffs matapos selyuhan ang 114-101 panalo sa game 6 kontra Los Angeles Clippers nitong ika-4 ng Mayo sa American Airlines Center, Texas.
Photos Courtesy of Andrew D. Bernstein/NBAE |
Bagaman umalagwa ng 26-18 run ang Clippers sa halftime upang itabla sa 52 ang iskor, pinamunuan naman ni Kyrie Irving ang ratsada ng Dallas sa second half matapos magtala ng 28 points sa kabila ng dalawang puntos sa opening frame.
Kumolekta ang all-star guard ng 30 points, four assists at six rebounds, shooting 5-out-of-9 threes dagdag pa ang defensive efforts na tig-dalawang blocks at steals.
“Just following the flow of the game and then coming out at halftime, just being ready to use my conditioning to the best of my ability and beat them up and down the court, continue to play some tough defense and get some easy ones,” saad ni Irving.
Sumigunda-mano naman ang Mavs superstar Luka Doncic ng double-double stats na 28 markers, 13 dimes, at seven boards upang tuldukan ang kampanya ng Clippers tangan ang home court advantage.
Sinungkit ng koponan ang pwesto sa Western Semis sa pangalawang pagkakataon simula noong 2011 Champion Run sa pangunguna ni NBA Legend Dirk Nowitzki.
Minanduhan ni Doncic ang opensa ng Dallas sa first quarter gamit ang kanyang floor vision at offensive attacks matapos maglatag ng 11 points at four assists upang kunin ang momentum, 34-26.
Rumagasa naman ang Clippers sa second quarter matapos limitahan sa 18 puntos ang Mavs at apulahin ang double-digit lead na nagresulta sa 52-all ng halftime.
Bumida ang tambalan nina Luka at Kyrie sa second half gamit ang impresibong opensa’t depensang nagpahirap sa LA dahilan upang tuluyang wakasan ang kanilang pakikibaka sa naturang liga.
Nabalewala ang double output ng Clips stars James Harden at Paul George na bumandera ng 16 points, 13 assists at 18 markers, 11 rebounds dagdag pa ang 20 puntos na inambag ni Norman Powell.
Matatandaang nagtamo ang Clippers key player Kawhi Leonard ng isang right knee inflammation simula pa noong regular season dahilan upang mabigong maglaro para sa koponan.
Magsasalpukan sa second round ang Dallas Mavericks at ang number one seed Thunder para sa Western Semifinals na gaganapin ika-8 ng Mayo sa Paycom Center, Oklahoma City.