NBA: T-Wolves tinuldukan ang 20-year Playoffs losing curse, winalis ang Suns
Josel Sapitan
Pinutol ng Minnesota Timberwolves ang 20-taong sumpang tangan sa First Round matapos silatin ang Phoenix Suns, 122-116, sa down-to-the-wire Game 4 ng 2024 NBA Playoffs nitong Abril 28 sa Footprint Center, Arizona.
Photo Courtesy of AP Photo/Abbie Parr |
Diniskaril nang tuluyan ng Timberwolves ang momentum ng Suns sa last quarter nang pamunuan ni Anthony “Antman” Edwards ang kanilang impresibong outside shooting, daan upang masungkit ang inaasam na second round ticket.
Bumida ang T-Wolves star Antman matapos magtala ng 40 points, nine rebounds, at six assists upang sundan ang Western Conference Finals Run noong 2004 sa kamay ni Kevin Garnett.
Kumana ang six-foot three guard na si Edwards ng pampitong three-point shot sa crunch time upang gapiin ang kalamangan at patahimikin ang crowd gamit ang isang posterized dunk kontra kay Kevin Durant sa natitirang 2:13 minuto ng last quarter, 115-111.
“I was just ultra aggressive. The first half, I got all my teammates involved. And then the second half, it's time to win. It's time to win at that point. So I mean, I gotta shoot my shots and keep confidence in myself,” giit ni Edwards.
Rumesbak naman si Karl-Anthony Towns ng double-double performance, 28 points at 10 boards, sa kabila ng kanyang knee injury na ngayon lang makakatungtong sa second round matapos ang series-clinching win.
"It means a lot. A lot of work, a lot of sacrifices for so many years to finally feel this moment. So, I cannot be happier. This is not only just for me, but also for my team. It's a great feeling. It's memorable," saad ni Towns.
Nirehistro ng number three seed ang tatlong sunod-sunod na pagkapanalo tangan ang double digit lead na naging bentahe upang patalsikin ang number six seed Suns sa Game 4 at magpatuloy sa second round via sweep.
Sinelyuhan ng Timbewolves ang serye sa kabila ng aksidenteng natamo ng kanilang athletic trainer na si Chris Finch matapos ang banggaan nila ni Mike Conley sa sideline, dalawang minuto bago ang pagtatapos ng laban.
Naunsyami naman ang comeback run na binuo ng Suns sa pamumuno ni Devin Booker na gumawa ng 20 sa 21 free throws, dagdag pa ang 3-out-of-5 long threes at three transitions upang angkinin ang kalamangan sa pagbubukas ng fourth quarter, 95-99.
Nabasura ang 82 combined points ng Suns star players Booker at Durant nang kapusin ang 49 career-high points, five rebounds, six assists; at 33 markers, nine boards, five dimes, at four blocks all-out performance upang sungkitin ang panalo.
Dominanteng Game 1 ang inukit ng Wolves sa pagbubukas ng serye matapos sakmalin ang Suns sa painted area, scoring 52 points, at angkinin ang first blood sa Best-of-7 Round One Playoffs, 120-95.
Samantala, sinandalan ng koponan sa Game 2 sina Jaden McDaniels na kumolekta ng 25 points, eight rebounds, at three assists, na sinahugan ng tig-18 markers nina Mike Conley at Rudy Gobert, dagdag pa ang 13 combined boards.
Hindi na hinayaan pa ni Edwards na makaisa ang Suns sa Game 3 matapos umiskor ng 36 big points upang itaas ang tensyon sa one-game-winning series at putulin ang 20 taong sumpang pasanin, 126-109.
Hahakbang sa Second Round ng Playoffs ang Timberwolves at makakatapat ang reigning champion Denver Nuggets sa Game 1 ng Western Conference Semifinals sa Sabado, Mayo 4 sa Ball Arena, Denver.