Vincent Kierk Tugnao

Sinulot ng Minnesota Timberwolves ang natitirang tiket sa Western Conference Finals matapos makalusot sa defending champs Denver Nuggets, 98-90 sa Game 7 ng NBA Western Semifinals nitong Lunes ng umaga sa Colorado.

Photo Courtesy of AP Photo/David Zalubowski.

Nagpakawala ng solidong 32-9 run sa third quarter ang Minnesota para tablahin ang maagang dominasyon ng Nuggets.

“I just had to make the right plays throughout the rest of the game. I did that, and my teammates made shots. Big shout-out to those guys,” saad ng Wolves star Anthony Edwards.

Pinalawig ng Denver ang abanse sa bente pagkasimula ng third, hanggang sa kumayod ng 9 points si Edwards na naging mitsa ng pagbaba ng lamang sa isa.

Naagaw at inalagaan ng Wolves ang kalamangan sa huling parte ng laro sa tulong nina Naz Reid at Rudy Gobert na parehong may tig-8 puntos.

Naging pwersa ng opensa si Karl Anthony-Towns tangan ang kanyang 23 points, 12 rebounds, 2 steals at 1 block.

Nagtala naman ng pinagsamang 69 points ang tambalang Nikola Jokic - Jamal Murray, subalit hindi ito naging sapat upang talunin ang gumaganting Timberwolves.

Makakatunggali ng Minnesota ang Dallas Mavericks sa West Finals, Huwebes ng umaga (PH time) sa Minneapolis.