Lyndon James Diesta

Sa kada pagtaas ng pinsel patungo sa kanbas, isang panibagong tinta ang maidaragdag – hanggang sa makabuo ito ng isang makabuluhang larawan. At sa pagsapit ng Hunyo ngayong taon, muling ipagdiriwang ang Pride Month – isang selebrasyon at paggunita sa mga miyembro ng komunidad ng mga Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Asexual, at iba pa (LGBTQIA+).


Isa man itong makulay na pagdiriwang na puno ng bahaghari at mga ngiti sa mukha, hindi lingid sa nakararami ang kaliwa't kanang diskriminasyon at mga pangaalipustang kanilang natatanggap mula sa lipunan. Kung kaya’t lakbayin ang bawat pahid ng pintura, sundan ang bawat bakas sa likod ng lahat ng kulay at parada upang maunawaang mabuti ang kanilang kasaysayan. 

Pulang Pinagmulan

Bago pa man ang mga ekspedisyon ni Ferdinand Magellan at Miguel Lopez de Legazpi, laganap na ang LGBTQIA+ sa Pilipinas, sa pamamagitan ng mga babaylan – mga katauhang puno ng kaalaman at espiritwalidad na may mataas na kalagayan sa kanilang barangay. Sila rin ay katuwang ng mga datu, o lider ng barangay, at may kapangyarihang mamuno kapag wala ang datu.

Karaniwang mga babae ang Babaylan, ngunit hindi kakaiba ang mga lalaking babaylan na tinatawag bilang asog. Maaari silang makipagrelasyong homosekswal na walang panghuhusga, at may parehong antas ng respeto at gampanin kumpara sa kanilang babaeng katuwang.

Ngunit dahil sa pagdating ng mga Kastila, naglaho na ang karamihan sa mga istorya at kultura na pinagmulan ng mitolohiyang Pilipino, na nagbunga  naman ng debate ukol sa katotohanan ng mga istoryang lumalaganap ngayon tungkol dito.

Isang halimbawa rito  ang sikat na kwento ng dalawang lalaking diyos mula sa rehiyon ng Bikol na sila Sidapa at Bulan, kung saan sinasabi na si Sidapa – diyos ng kamatayan, ay nahumaling kay Bulan – diyos ng buwan, at nakipaglaban sa maraming tauhan upang makuha ang puso ni Bulan.

Matamis mang isipin, sinabi ng isang artikulo ni Jordan Clark ng The Aswang Project na isa lamang itong  haka-haka na ipinalaganap sa Internet at hindi ito nakatala sa kasaysayan at wala itong basehan. 

Kahel na Hawla

Nang ipalaganap ng mga Kastila sa Pilipinas ang Kristiyanismo, kasabay rin nito ang pagkondena sa  homosekswalidad – at pumasok ang konsepto ng patriyarka at machismo. Dito, inaapi ang mga kababaihan, at sumunod dito ang mga lalaking nakaayon ang mga aksyon sa istiryotipikong babae.

Ayon sa isang papel mula sa Humanities Diliman ni Francis Luis M. Torres, tinawag din bilang mga   baliw at manloloko ang mga asog nang dahil  sa kanilang pananampalataya sa sinasabing “diyos-diyosan.” Sinabi rin ni Torres na ginawa ito upang maisulong ang Kristiyanismo sa mga katutubong Pinoy at itaboy ang dati nilang relihiyon at pananampalataya.

Nagpatuloy ang ganitong pamamahala sa higit na 300 taon, bago ibinenta ng mga Espanyol ang Pilipinas sa mga Amerikano o ang Treaty of Paris – na nagbigay daan upang mas sumidhi pa ang diskriminasyon sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa integrasyon ng gender roles at sexuality sa edukasyon na ibinigay nila sa mga Pilipino.

At pagkatapos ng World War II, nabigyan ng kalayaan ang Pilipinas – ngunit natira ang galos ng homophobia at diskriminasyong binabaka ng mga kapwa Pinoy sa kasalukuyan.

Gintong Puso at Tahanan

Bukod sa diskriminasyong dinaranas, kadalasan din silang itinataboy ng mismo nilang pamilya.  Kung kaya naman nabuo noong 1970s sa Maynila ang “Home for the Golden Gays” ng konsehal ng Pasay, kolumnista, at LGBTQIA+ spokesperson na si Justo Justo – isang tahanan para sa mga matatandang miyembro ng LGBTQIA+ community. Isang tahanan para sa mga taong kinonsiderang “depektibo” ng kanilang mga pamilya. Naging tagapagtaguyod rin sila ng karapatan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community.

Ngunit noong 2012, isinara ang tahanan na ito dahil sa pagkamatay ni Justo sa Pasay General Hospital, kung saan siya ay nakaratay dahil sa komplikasyon sa kanyang gulugod dulot ng diabetes  – at ayon sa kasalukuyang presidente ng Home for the Golden Gays na si Ramon Busa o “Lola Mon” sa isang panayam ng The New York Times,  walang ibang pupuntahan  ang mga taong iniwan ni Justo.

“Many had to go back to the street where they came from,” ani Busa.

Sa ngayon, may iba't iba ng trabaho ang mga miyembro ng Golden Gays – tagawalis ng kalye, nagtitinda ng kendi, o kaya’y nagbebenta gamit ang takatak, para lamang sila may pantustos sa araw-araw.

Ngunit, sa pagsapit ng Sabado’t Linggo, nagsusuot sila ng mga nagkikintabang damit, nagtataasang takong, at naggagandahang palamuti sa mukha upang magtanghal sa mga pribadong okasyon o sa mga pageant.

Sa mga madidilim na ulap na puno ng kidlat at ulan, darating rin ang dilaw na sikat ng araw.

Luntiang Hangarin

Noong 1980s naman, sumunod ang peminismo at ang kilusang kababaihan para sa kanilang mga karapatan. Ngunit tila naging “invisible” ang komunidad ng mga lesbiyana – o babae na sekswal na naaakit sa kapwa babae, dahil sentro ng kilusang peminismo  ang  ang mga babaeng heterosekswal. Isang halimbawa nito ang mga pag-aaral na ginawa noong panahong ito.

Gayundin, naramdaman din nilang hindi sila kasama sa kilusan para sa LGBTQIA+ community dahil ang persepsyon sa kanila’y mga babaeng bersyon lamang ng mga lalaking homosekswal.

Pero hindi ito ang sitwasyon, at ayon sa isang papel ni Friedrich-Ebert-Stiftung, kakaiba ang karanasan ng mga lesbiyana kumpara sa mga lalaking LGBTQIA+. Sinasabi rito na  nahihirapan silang maging babae sa isang lipunang patriyarkal, pero naghihirap rin sila bilang babae na hindi umaayon sa kabansagan.

Dahil dito, binuo ng organisasyong Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) ang isang position paper ukol sa mga isyu na may kinalaman sa oryentasyong sekswal.

Tulad ng mga berdeng halamang umuusbong, nagsisimula ang paggising pagdating sa problema ng komunidad at lahat ng mukha nito.

Bughaw na Luha

Kilala bilang isa sa mga pinakamadugong panahon sa kasaysayan ng Pilipinas ang Martial Law ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. kung saan naging mapanganib rin ito para sa LGBTQIA+ community.

Inilimbag ni Marcos, kasama ang asawa niyang si Imelda, ang Tears in the Morning (1979) ni Eddie Karnes – na ayon sa UP Babaylan ay isang ‘violently vitriolic anti-gay book’.

Kasama rin sa pakikibaka ang LGBTQIA+ community. At dito rin umusbong ang iba’t-ibang pelikula na may karakter na LGBTQIA+, tulad ng “Manila by Night” ni Ishmael Bernal noong 1980 na kung saan ang bida ay miyembro ng LGBTQIA+ community. Dito rin nagsimula ang pag-usbong ng swardspeak, o mas kilala ngayon sa pagiging “bekimon” o “gay lingo.”Ayon sa isang artikulo ng UPLB Perspective, ginamit ang swardspeak  upang malayang makipag-usap gamit ang mga wika na ginamit upang saktan sila.

Sa bawat patak ng bughaw na luha, tumatatag rin ang puso upang lumaban para sa kanilang karapatan.

Tagom na Takipsilim

Kahit ngayong moderno na ang panahon at mulat na ang karamihan sa atin patungkol sa usapin ng LGBTQIA+, ramdam pa rin ang diskriminasyon sa mga kasapi nila, lalo na sa mga transgender, o mga taong nagpalit ng kanilang katauhan.

Isang kaso nito ang ginawang pagpatay kay Jennifer Laude noong 2014, isang transwoman na pinatay sa hotel ng isang Marinong galing sa Estados Unidos (US) na si Joseph Scott Pemberton matapos malaman na si Laude ay transgender. Sa korte,  umaming guilty si Pemberton, ngunit ibinaba ang kanyang kaso mula murder na naging homicide.

Ngunit noong September 2020, binigyan siya ng dating Presidente Rodrigo Duterte ng absolute pardon at pinalaya si Pemberton at pina-deport pabalik sa US – na dinepensahan naman ni Harry Roque, na dating spokesperson ng pamilya ni Laude. Ito naman ay kinondena rin ng LGBTQIA+ groups at mga miyembro ng LGBTQIA+ community

“The pardon given to Pemberton is a mockery of our judiciary and legal system, too,” sabi ni Atty. Virginia Lacsa Suarez, ang legal counsel ng pamilyang Laude sa isang statement.

Sinabi rin ni Julita Cabillan, ina ni Laude sa statement ni Suarez na sinira ni Duterte ang kanila pangako sa kanilang pamilya.

“Siya pa mismo nagbigay ng tulong pinansyal noon dahil masaya raw siya na pinakipaglaban namin ang kaso dahil sabi niya na hangga’t siya raw ang nakaupo, hinding-hindi niya papayagan na makalaya si Pemberton,” ani Cabillan.

Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang madilim, at mala-kulay tagom na takipsilim pagdating sa proteksyon sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community, at lalo na sa mga transgender.

Lilang Saya’t Korona

Sa kasalukuyan,  patuloy pa rin ang laban ng mga LGBTQIA+ upang kilalanin ng lipunan ang kanilang mga karapatan, katulad ng mga kilusan upang ipasa ang Sexual Orientation, Gender Identity or Expression, at Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill, na hangaring ipagbawal ang diskriminasyon ayon sa pagkakakilanlang kasarian at oryentasyong sekswal. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin ito naipapatupad. 

Tuloy pa rin ang diskriminasyon sa ekspresyong kasarian – katulad ng pangyayari sa Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) kung saan hindi pinayagan ng naturang pamatasan na makapag-enroll ang mga transgender na mag-aaral dahil sa kanilang buhok, at sumikat ang isang bidyo na kung saan  pinuwersang ginupitan ang kanilang buhok para makapag-enroll lamang sa susunod na semestre.

Sa kabilang banda naman, ang representasyon ng LGBTQIA+ community sa midya ang patuloy na lumalaki, sa pag-usbong ng mga palabas para sa kanilang kasapi – tulad ng Drag Race Philippines, ang lokal na bersyon ng sikat na palabas ng mga drag queen na RuPaul’s Drag Race.

Kasama rin dito ang sikat na drag queen na si Marina Summers, na kumatawan sa Pilipinas sa Drag Race UK vs the World kung saan siya ay naging semi-finalist. Siya rin ay nagtanghal sa isang opening performance sa Miss Universe PH 2024 noong Mayo.

Tuwing kumikinang ang mga lilang korona at dumadaloy ang mga malalaking saya, hindi dapat kalimutan ang mga buradong pasa at sugat na natitira sa mga taong dumaan sa landas na ito bago ang henerasyon ngayon.

Sa kada pagtaas ng pinsel patungo sa kanbas, isang panibagong tinta ang maidaragdag. Sinasabi na ang tao ang pintor ng kanilang buhay – at para sa LGBTQIA+ community, sila rin ay mandirigma para sa kanilang pagkakapantay-pantay at pwesto sa lipunan. Kung kaya’t gamitin ang bawat pahid ng pintura upang makagawa ng obra maestra sa kinabukasang hindi pa naipipinta.