Josel Sapitan

Kinapos ang barahang tangan ng Alas Pilipinas Men’s Volleyball sa down-to-the-wire four-set classification match matapos tuldukan ng reigning champs Thailand ang 20-25, 25-23, 22-25, 20-25 na kampanya ng bansa sa AVC Challenge Cup, Hunyo 7 sa Isa Town, Bahrain.



Pinangunahan nina Mark Espejo at UAAP Rookie of the Year Jade Disquitado ang opensiba ng Alas na bumandera ng 30 combined points, dagdag pa ang isang ace at block na sinahugan ng nine markers ni Lloyd Josafat.

Hindi naging madali para sa Alas na makauna sa laban matapos ang kaliwa’t kanang errors sa unang yugto nang pahirapan sila ng quick kills ni Thai middle blocker Pakdeekaew Anunchit’s.

Rumesponde naman si Jau Umandal sa second set matapos basagin ang depensa ng two-man blockers ng Thailand upang idikit ang iskor.

Kasangga ang tambalan nina UAAP best setter Owa Retamar at Kim Malabunga na nagpakawala ng mga combination plays sa crucials upang selyuhan ang 1-all.

Pagtapak sa halfway ng laban, rumagasa ang presensya ni multi-awarded ace spiker at captain Amornthep Konhan nang manduhan niya ang opensa ng Thailand at makuha ang leading set.

Inilabas ng Pinas ang huling alas sa last set nang ipasok ang La Salle key player Noel Kampton na nagtala ng anim na attack points sa kabila ng maliit na playing time.

Inabuso ng Thailand ang mahinang depensa ng Alas matapos magpakawala ni outside hitter Supakorn Jenthaisong ng service ace upang angkinin ang match point.

Bagaman umisa pa si Disquitado ng spike point upang buhayin ang koponan matinding kamalasan ang dala ni Espejo nang mag-outside ang kanyang cross court attack.

Bigong patatagin ng Alas ang kapit sa liderato matapos maagang magwakas ang ratsada sa torneyo at sundan ang 9th place noong 2023.